Mayor Baldo pinaaaresto sa kasong pagpatay kay Cong. Batocabe at kanyang bodyguard

0
96

DARAGA, Albay. Iniutos na ng korte ang pag-aresto kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo matapos ang paghahain ng kasong double murder laban sa kanya kaugnay ng pagpaslang kay Ako Bicol Cong. Rodel Batocabe at kanyang bodyguard na si Police Master Sgt. Orlando Diaz noong Disyembre 2018.

Ayon kay PRO5 Regional Director Brig. Gen. Andre Perez Dizon, natanggap na nila noong Huwebes ang warrant of arrest na inilabas noong Agosto 21, 2024 ni Judge Pacheco ng National Capital Region-Regional Trial Court (NCR-RTC) Branch 3. Agad namang pinuntahan ng mga tauhan ng Police Regional Office 5, Daraga Municipal Police, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang opisina ni Mayor Baldo pati na rin ang kanyang bahay sa Brgy. Tagas, Daraga. Gayunpaman, hindi nila natagpuan ang alkalde at nanatiling tahimik ang mga kaanak at tauhan nito sa kanilang kinaroroonan.

Dahil dito, nanawagan si Brig. Gen. Dizon kay Mayor Baldo na sumuko na at harapin ang kaso laban sa kanya. “I urge Mayor Baldo to surrender and face the charges against him,” ani ng heneral.

Si Mayor Baldo ay una nang naaresto noong 2019 dahil sa kasong illegal possession of firearms and explosives ngunit nakalaya matapos magpiyansa. Ngayon, sa muling paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng kasong double murder, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Hinihikayat din ng heneral ang mga mamamayan na magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung sakaling makita nila o may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Mayor Baldo.

Samantala, nagpapasalamat si Atty. Justin Batocabe, anak ng pinaslang na kongresista, sa paglabas ng warrant of arrest laban kay Mayor Baldo na tinawag niyang “mamamatay tao.” Ayon sa kanya, “Hindi kami titigil hangga’t hindi naipakukulong ang alkalde.”

Si dating Cong. Rodel Batocabe ay tinambangan ng mga hired killers habang nasa isang gift-giving mission para sa mga senior citizen sa Brgy. Burgos, kung saan nasawi siya at ang kanyang police escort, at ilang seniors ang nasugatan.

Patuloy namang nakakulong ang mga naarestong gunmen na sina Henry Guanzon Yuson, Danilo Nuñesca Muella, Christopher Cabrera Naval, Emmanuel Añes Rosillo, Rolando Nonsol Arimado, at Jaywin Interino Babor.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.