Mayor Isko Moreno, nakipagpulong sa mga magsasaka at magniniyog ng San Pablo City

0
541

San Pablo City. Laguna. Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kahapon sa lungsod na ito ang kanyang “Food Production Strategic Plan” na ayon sa kanya ay gagabay sa kanya sa pagpapalakas ng food security ng bansa sa ilalim ng kanyang pagkapangulo.

“Dahil ang seguridad sa pagkain ay napakahalaga at hindi tayo gumagawa ng sapat na pagkain para sa pinaka pangunahing pangangailangan ng mga tao. Dapat, simula 2022, magkaroon na tayo ng Food Production Strategic Plan na magiging gabay para sa budget ng lahat ng departamento at iba pang ahensya na direktang sangkot sa produksyon ng pagkain,” ayon kay Moreno sa pakikipag pulong nya sa mga magsasaka at magniniyog na ginanap sa isang niyugan sa Brgy. San Antonio sa nabanggit na lungsod.

“Kasi ngayon, kada isang taon, pabago bago ang suporta sa agrikultura. Kailangan may food production plan. Kailangan may direksyon ang pantustos ng pamahalaan. At ito ang pagkukunan ng 5-year medium term spending bilang suporta sa food production. Hindi na pwede yung panaka-nakang mga interventions, tulad nangyari sa hog industry. Hindi naagapan ang pagpasok ng African Swine Fever; nalugmok ang mga magba-baboy, lalo na yung mga backyard hog raisers. Resulta nito, tumaas ng todo-todo ang presyo ng karne ng baboy. Tapos importasyon na naman ang madaliang solusyon,” ayon sa kandidato sa pagka pangulo ng Aksyon Demokratiko.

Kasama ni Moreno sa ginanap na “Listening Tour” ang grupo ng Partido Demokratiko sa nabanggit na lungsod na sina Najie Gapangada at Pamboy Lopez, kandidatong mayor at vice mayor at mga kandidatong konsehal nito na sina Mark Alimagno,  Julius Bragais,  Amben Cabasa, Bernie De Mesa,  Larry Dizon, Michael Exconde at Doods Tan.

Kasama naman ni Moreno ang kanyang running mate na si Dr. Willie Ong at mga kandidatong senador na sina Dr  Carl Balita, Samira Gutoc at Jopet Sison.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.