Mayor sa Batangas abswelto sa kasong illegal possession of firearms and explosives

0
228

MABINI, Batangas. Inilabas ng korte ang desisyon na palayain ang alkalde ng Mabini sa Batangasl matapos na mapatunayan ang kakulangan sa ebidensya at hurisdiksyon ng kaso nitong “illegal possession of firearm at explosives.”

Sa isang 10-pahinang desisyon ni Judge Dorcas P. Ferriols-Perez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 84 sa Batangas City, ipinasiya nitong palayain si Mayor Nilo Villanueva noong Huwebes, Agosto 24, 2023.

Ang pagpapalaya kay Villanueva ay resulta ng motion to dismiss na inihain ng kanyang abogado kung saan ay ipinunto na may mga pag-aalinlangan sa ginamit na search warrant, hindi sapat na ebidensya, at kawalan ng sapat na batayan para sa kaso.

Noong Hunyo 17, hinuli si Mayor Villanueva at ang kanyang dalawang kapatid sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Mary Josephine Lazaro ng Regional Trial Court, Branch 74 sa Antipolo City.

Gayunpaman, iginiit ng abogado ni Villanueva na “null and void” ang search warrant dahil hindi sakop ng hurisdiksyon ng korte ang pagpapalabas nito.

Ayon sa abogado, walang personal na kaalaman at inimbento lamang ang mga pahayag ng mga testigo ng prosecution.

Binanggit din na hindi nakasuot ng body camera ang mga operatiba na nagsagawa ng operasyon laban sa mga suspek.

Naghain ng mosyon ang prosecution para ibasura ang motion ni Villanueva ngunit hindi ito pinagbigyan ng korte.

Bunga nito, iniutos ng korte sa hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame na palayain si Mayor Villanueva kung wala nang iba pang kasong nakabinbin laban sa kanya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.