Pangarap ng sinumang babae na magpakasal sa isang matagumpay na negosyante. Sa kabila ng komportableng buhay, material pleasure at social status na kapalit nito, hindi madaling maging misis ng isang entreprenuer.
Marami challenges ang pagpapakasal sa isang negosyante. Una na dito ang pagseselos, kakulangan sa oras sa pamilya at issue sa pera.
Lahat ng mag asawa ay may mga fault lines, siyempre, pero ang mga partikular na stress na endemic sa entrepreneurial businesses ay nakakadagdag ng mas mabigat na pressure. Bukod pa dito ang katotohanan na talagang mahirap mag-maintain ng marriage kahit walang negosyo.
Normal sa negosyante ang makipag socials lalo na kung may deal na kailangan isara. Kailangan kasing magkaroon ng magandang connection sa mga kliyente o investors sa negosyo. Isang paraan ito para ipakita ang value ng negosyo.
Gaano man kagaling ang isang negosyante, nagiging subject din siya ni Maritess at ni Marisol. Pag nakarating kay misis ang tsismis, dito na nagkakagulo ang mundo. At kapag ang isang misis ay hindi malawak ang pananaw, posibleng mauwi ito sa pagkasira ng relasyon at ng pamilya.
Mayroon ding mga kasong ang negosyanteng mister ang nagseselos kadalasan ay sa mga business partners. Mas masama ito dahil bukod sa pagkasira ng relasyon at pamilya ay madadamay din ang negosyo. Para ma-minimize ang risk na ito, pumili tayo ng mabubuting tao – mabuting asawa at mabubuting business partners. Ito ay dahil wala tayong kontrol sa emosyon ng ibang tao.
Para maiwasan ang selosan, pwede sigurong updated lagi si misis sa whereabouts ng mister. Paminsan minsan, maganda ring isama siya sa mga socials. Makakatulong din ito sa pag unawa niya kung paano tumatakbo ang araw araw na buhay ng isang negosyante sa labas ng bahay.
Mahirap gawin pero kailangan ay pag aralan na huwag iuwi sa bahay ang mga problema sa negosyo. Huwag kalimutang magtanggal ng business face pag kaharap na ang mga anak.
Ang pinagsamang money issue at kasal ay isang recipe ng disaster. Pera ang numero unong isyu na pinag-aawayan ng mag-asawa, at ito ang pangalawang pangunahing dahilan ng paghihiwalay kasunod ng pagtataksil. Mas mabuting pag usapan ng maaga ang mga terms and conditions para hindi na mangyari ito.
Magkaroon ng isang joint account at tig-isang checking account para maging madali ang tracking ng expenses at ang pagbabalanse ng checkbook na dapat ay ginagawa tuwing end of the month. Importante na alam ng isa’t isa ang mga transaksyong magaganap sa joint account na ito.
Pag usapan ang lifestyle na pareho ninyong gusto. Ang bottom line ay kailangang nakalinya ito sa kinikita at hindi sa kung ano ang mga gusto.
Maging open sa isa’t isa tungkol sa mga pagbili. Ang pagiging tapat sa asawa ay hindi palaging may kinalaman lang sa relasyon. Unfaithful din kung magbubukas ka ng side account o magtatago ka ng pera. Ganoon din kung may credit card ka na hindi alam ng asawa mo.
Ang cultivation ng solid na marriage ay napakahirap at matagal na proseso. Madalas ay awkward at nakakadismaya ito. Ganun pa man, pwedeng pag aralan kung paano magdi-discuss tungkol sa selosan, sa pera at iba pang issues sa productive na paraan bago maging huli ang lahat. Kung magagawa ito, para tayong nagde-deposit sa ating relationship bank account. At wala itong katapat na presyo.
Marius Myrone S Zabat Jr
Si Marius Myrone S Zabat ay naging presidente ng San Pablo Amateur Radio Club (1996-1997), JCI San Pablo (1997-1998), at San Pablo Jaycees Senate (2001-2003). General Manager din siya ng Milmar Distillery at Tierra De Oro Resort-Hotel.