Mga bagong alyansa, binubuo ni Mayor Najie para sa pag-unlad ng San Pablo City

0
401

SAN PABLO CITY — Patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Najie B. Gapangada Jr. sa mga pambansang organisasyon at ahensya ng pamahalaan upang maisulong ang malinis na pamamahala at mapaunlad ang ekonomiya ng San Pablo City.

Kamakailan ay lumahok si Mayor Najie sa serye ng pagpupulong sa Maynila na naglalayong palawakin ang ugnayan ng lungsod sa iba’t ibang sektor.

Isa sa mga dinaluhan niya ay ang Mayors for Good Governance (M4GG) General Assembly, kung saan nakipagpulong siya kina M4GG President at Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Pasig City Mayor Vico Sotto. Tinalakay ng tatlong alkalde ang iba’t ibang sistema ng mahusay na pamamahala at mga hakbang upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya ng kanilang mga lungsod. Nagsumite rin si Mayor Najie ng kanyang accomplishment report bilang bagong kasapi ng M4GG.

Dumalo rin ang alkalde sa programang “Building Partnerships, Bridging Nutrition” na inorganisa ng National Dairy Authority (NDA) sa pangunguna ni Administrator Atty. Marcus Antonius “Tonyphet” Andaya, katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR). Layunin ng programa na pagtibayin ang ugnayan ng pamahalaan, mga korporasyon, at dayuhang mamumuhunan sa pagpapatupad ng milk feeding program para sa mga mag-aaral sa elementarya.

Ayon sa NDA, maaaring ibawas sa buwis ng mga pribadong kumpanya ang kanilang donasyon, at may kalayaang pumili ang mga donor ng kanilang mga target beneficiaries. Sa nasabing pagtitipon ay nagkaroon ng pagkakataon si Mayor Najie na makapulong si Manila Mayor Isko Moreno, na isa rin sa mga kalahok ng programa.

Bago ang naturang pagpupulong, bumisita si Administrator Andaya sa San Pablo City Hall kasama ang mga opisyal ng NDA CALABARZON upang ihayag sa alkalde ang mga programang planong ipatupad sa lungsod. Kabilang dito ang milk feeding program at ang pagtatatag ng dairy industry sa San Pablo City bilang ambag sa pambansang produksyon ng gatas.

“Ang mga ganitong inisyatibo ay nagbibigay-daan sa mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at pribadong sektor,” pahayag ni Mayor Najie. “Sa pamamagitan nito, mas napapalakas natin ang mga programang direktang nakatutulong sa ating mga kababayan at nakalilikha rin ng mga bagong oportunidad sa trabaho para sa mga San Pableño,” ayon alkalde.

Ang pagdalo ni Mayor Najie sa mga nasabing aktibidad ay bunga ng matagumpay na lobbying efforts ng Pamahalaang Lungsod sa pakikipagtulungan kay NDA Administrator Atty. Tonyphet Andaya.

Dumalo rin ang alkalde sa programang “Building Partnerships, Bridging Nutrition” na inorganisa ng National Dairy Authority (NDA) sa pangunguna ni Administrator Atty. Marcus Antonius “Tonyphet” Andaya, katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR). Nakapulong din ni Mayor Najie si Manila Mayor Isko Moreno, na isa sa mga kasama niya sa programa. Kasama sa larawan si Marlon Mangahas, Sport and Youth Development Officer ng San Pablo City LGU.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.