Mga kongresista at DPWH officials, inilantad ng Discaya couple

0
521

MAYNILA. Ibinunyag ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya ang mga pangalan ng ilang kongresista, kanilang mga staff, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y sangkot sa katiwalian kaugnay ng mga flood control project sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, sinabi ni Curlee Discaya na paulit-ulit silang napipilitang makisangkot sa sistema upang matuloy ang mga proyektong iginawad sa kanila.

“Paulit ulit kaming ginamit ng mga nasa puwesto sa sistemang ito, wala kaming magawa dahil kung hindi kami makikisama, gagawan nila ng problema ang project na na-award sa amin sa pagitan ng mutual termination o pagkakaroon ng right of way problem na parehong nagdudulot ng hindi matuloy ang implementasyon ng mga proyekto,” pahayag ni Discaya.

Dagdag niya, matapos silang manalo sa bidding ay nilalapitan sila ng mga opisyal ng DPWH upang manghingi ng porsyento mula sa proyekto.

“Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10 porsyento at umaabot pa ng 25% na naging kondisyon para hindi maipit ang pagpapatupad ng programa,” aniya.

Pinangalanan ng mag-asawa sina Pasig City Rep. Roman Romulo; Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang; Quezon City Reps. Patrick Michael Vargas, Juan Carlos “Arjo” Atayde, Reynante “Reynan” Arogancia, Marvin Rillo, at Marivic Co Pillar; Agap Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones; Marikina Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro; San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes; Romblon Rep. Leandro Jesus Madrona; Rep. Benjamin “Benjie” Agarao Jr.; An-Waray Party-list Rep. Florencio Gabriel Bem Noel; Occidental Mindoro Rep. Leody “Ode” Tarriela; Aklan Rep. Teodorico “Teodoro” Haresco; Zamboanga Sibugay Rep. Antonieta Yufela; at Caloocan City Rep. Dean Asistio.

Kasama rin sa binanggit si dating Presidential Assistant for the Visayas Undersecretary Terrence Calatrava.

Sinabi ni Curlee na maging mga tauhan ng ilang pulitiko ay humihingi rin ng porsyento kapalit ng mga proyektong kanilang nakuha.

Samantala, kabilang sa mga opisyal ng DPWH na tinukoy ay sina Regional Director Virgilio Eduarte ng Region V; Director Ramon Arriola III ng Unified Project Management Offices; District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan 1st District; Undersecretary Robert Bernardo; District Engineer Aristotle Ramos ng Metro Manila 1st District; District Engineer Edgardo Pingol ng Bulacan Sub-DEO; at District Engineer Michael Rosaria ng Quezon 2nd DEO.

Ayon kay Discaya, madalas na binabanggit ng mga nasabing opisyal na ang perang kinokolekta ay para umano kay Zaldy Co, na dapat ay hindi bababa sa 25 porsyento.

“Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit na kaibigan,” dagdag ni Discaya.

Dahil dito, humingi ng tulong ang mag-asawang Discaya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Senate Blue Ribbon Committee para sa proteksiyon at seguridad ng kanilang pamilya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.