Mga kwento sa likod ng masaya at nagkakaisang Christmas party ng SLPC

0
667

Nagdaos ng Christmas party ang Seven Lakes Press Corps sa Mading and Nena’s Restaurant noong Biyernes. Bilang pangulo ng media org na ito, masasabi kong matagumpay ang ginanap na pagtitipon. Una, maraming nakadalo. Salamat at medyo humupa na ang pandemya. Pangalawa, masayang nagtipon tipon dito ang mga alagad ng mass media at social media. Muling nagkaniig ang mga beteranong mamamahayag at nagkaharap harap sa ‘maboboteng usapan’ ang mga local vloggers.

Ang panahon ng Christmas party ay wall-to-wall na finger food, kwentuhang umaatikabo, kantahan, sayawan at inuman. Napakasaya ng gabi. Napakanta at napasayaw pa nga kami ng makata ng San Pablo na si Boyet Marcelo sa saliw ng walang kamatayang “Totoy Bibo.” Palagay ko naman ay natuwa ang mga bisita sa aming rendition dahil wala namang bumato ng kamatis sa amin.

Mainit at friendly ang mga umpukan. Sabik ang bawat isa sa bawat isa. Nagkaisa ang magkakabaro sa gabing iyon at dalangin ko na sana ay manaig ang pagkakaisang iyon sa habang panahon.

Naging panauhin din sa party ang mga konsehal ng lungsod kagaya ni number one konsehal Mela Acebedo, Gel Adriano, Buhay Espiritu, Tibor Amante, Francis Calatraba, Ambo Amante at Dandy Medina. Nakapiling din namin ang makisig na pangulo ng San Pablo ABC na si Maning Amante. Ang mabining city administrator na si Larry Amante ay dumalo rin.

Lalo pang tumingkad ang kulay ng party sa pag awit ng Unang Ginang ng San Pablo na si Gem Castillo. Paano ka namin mapasasalamatan. Ms Gem? Wala kaming maisusukli sa iyong kabutihan kung hindi buong pusong thank you very much.

Dahil dyan, ako ay lubos na nagpapasalamat sa pagbibigay nila ng pansin sa aming paanyaya. Ang kanilang pakikisalamuha sa mga miyembro ng media sa San Pablo ay aming pinapahalagahan. 

Hindi ko na iisa isahin pa ang mga dumalong mamahayag at vlogger. Baka may makaligtaan pa ako sa dami ninyo. Maraming salamat sa inyong pagpapaunlak at nawa ay bigyan tayo ng Poong Maykapal ng maligaya, mapagmahal, masagana at mapayapang Pasko 2022.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.