Mga labi ni Ex-DPWH Usec. Cabral, nasa Maynila na

0
324

MAYNILA — Dumating sa Metro Manila bago magbukang-liwayway ngayong araw ng Linggo ang mga labi ng dating Department of Public Works and Highways undersecretary na si Maria Catalina Cabral. Nagsimula ang biyahe mula sa Benguet noong Sabado ng gabi.

Ayon kay GMA Integrated News reporter James Agustin, dumating ang bangkay ni Cabral bandang alas-3:21 ng umaga matapos umalis ng Benguet alas-11:30 ng gabi.

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla noong Sabado na ang mga labi ng babaeng natagpuan sa Tuba, Benguet ay positibong kay Cabral. Aniya, tugma ang resulta ng DNA at fingerprint examination sa pagkakakilanlan ng dating opisyal.

Sa hiwalay na panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Remulla na batay sa resulta ng autopsy, walang nakitang senyales ng foul play sa pagkamatay ni Cabral.

Ayon sa kalihim, walang ligature marks, walang ebidensiya ng pagsakal, at wala ring gunshot wounds o knife wounds na natagpuan sa katawan. Dagdag niya, ang itinakdang sanhi ng pagkamatay ni Cabral ay blunt force trauma na dulot ng pagkahulog.

Si Cabral, isang beteranong civil engineer at dating DPWH undersecretary for planning and public-private partnerships, ay natagpuang unconscious and unresponsive noong Disyembre 18 sa layong humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng kalsada sa Kennon Road, Tuba, Benguet. Siya ay idineklarang patay madaling-araw ng Disyembre 19.

Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang katawan ni Cabral sa tabi ng Bued River, ilang oras matapos umano niyang utusan ang kanyang driver na iwan siya sa gilid ng kalsada.

Naging sentro ng matinding atensiyon ng publiko ang pagkamatay ni Cabral dahil sa kanyang pagkakadawit sa mga isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control infrastructure projects.

Bago ang kanyang pagkamatay, nakatakda sanang isumite ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman ang isang plunder case na may kaugnayan kay Cabral at sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, sa kasong ihahain para sa evaluation ng Ombudsman ay sangkot ang ilang opisyal ng DPWH sa lalawigan, gayundin ang mga proponent na maaaring nakinabang sa mga nasabing proyekto.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.