MAYNILA. Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko, lalo na sa mga paaralan, na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD), isang sakit na madaling makahawa sa mga bata.
Sa Facebook post ng Bulacan Provincial Health Office (PHO), Public Health, binigyang-diin ng DOH na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng HFMD mula Mayo 18–31, 2025 na may 1,964 na kaso, patungong Hunyo 1–14, 2025 na may 1,363 na kaso, hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko.
Ayon sa mga eksperto, ang isang batang may HFMD ay maaaring makahawa ng higit sa dalawang iba pa, lalo na sa mga saradong lugar tulad ng tahanan at silid-aralan.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng HFMD ang lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at mga butlig sa palad, talampakan at puwitan.
Payo ng mga awtoridad ang palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig, paggamit ng alcohol-based sanitizer, pag-iwas sa paghawak sa mukha, lalo na sa mata, ilong at bibig, at regular na paglilinis at pagdi-disinfect ng mga gamit at kapaligiran.

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo




