STA. CRUZ, LAGUNA — Kasunod ng inilabas na arrest warrant laban kay businessman Charlie “Atong” Ang, ilang pamilya ng nawawalang sabungeros ang hayagang nananawagan sa kanya na sumuko at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Kabilang si Charlene Lasco Biligán, kapatid ni Ricardo “Jonjon” Ricafort Lasco Jr., isa sa mga nawawalang sabungeros. Direktang inihayag ni Biligán ang panawagan sa negosyante.
“Sumuko na po kayo. Sumuko na kayo kasi sinabi naman na wala kayong kasalanan. Dito niyo patunayan kung talagang wala kayong kasalanan. Napakarami niyo pong abogado, napakarami pong magde-depensa sa inyo. Sa totoo lang ang ganda ng laban niyo, binigyan kayo ng pagkakataon para idepensa sarili niyo,” ani Biligán.
“Pero ang magkakaanak namin, bigla na lang sila nawala. Wala silang pagkakataon na idepensa sarili nila, pero sige lang, laban kami,” dagdag pa niya habang lumuluha.
Si Ang, isang kilalang negosyante at kontrobersyal na personalidad sa larangan ng sabong sa Pilipinas, ay iniuugnay sa pagkawala ng ilang sabungero sa mga nagdaang taon.
Ayon sa ilang pamilya ng nawawalang sabungeros, kahit may inilabas nang arrest warrant, hindi pa rin sila ganap na nagdiriwang.
“Masaya kami, there’s reason to celebrate, yet today hindi pa naman nakukuha si Atong Ang. Magandang move ito pero ang ultimate diyan, makukuha ba natin today,” dagdag ni Biligán.
Ang arrest warrant laban kay Ang at iba pang akusado ay sakop sa kaso ng pagkawala ng sabungeros sa Sta. Cruz, Laguna. Gayunpaman, hindi pa ito sumasaklaw sa kaso ni Jonjon Lasco, na isang master agent ng online sabong company na pag-aari ni Ang. Siya ay dinukot sa San Pablo, Laguna noong Agosto 30, 2021, na nakunan sa CCTV habang dinadala ng hindi kilalang mga lalaki.
Na-identify ng pamilya si Lasco sa video na ibinahagi ng pangunahing testigo ng kaso, si Julie “Dondon” Patidongan, na nagbigay ng testimony tungkol sa mga pagdukot.
Ayon kay Ted Lazaro, spokesperson ng Justice for Missing Sabungeros, hakbang lamang ang arrest warrant at kulang pa sa inaasahan ng mga pamilya.
“Pero kulang, kulang pa dahil ang gusto natin lahat ng sangkot, mapanagot din. Ayon sa testimonya ni Dondon Patidongan, ang gusto ng pamilya, ang gusto natin, lahat ng andun na pinangalanan dun sa ‘alpha list’ na tinatawag, ma-indict din sana,” ani Lazaro.
Inaasahan na haharap sa media ang ibang pamilya ng nawawalang sabungeros sa darating na Huwebes, na may dalang karagdagang ebidensya laban sa mga pinaniniwalaang responsable sa mga pagdukot.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






