Mga Pinoy sa Lebanon, pinalilikas na dahil sa tumitinding tensyon at kaguluhan

0
126

MAYNILA. Inabisuhan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Pilipino na agarang lumikas mula sa bansa habang bukas pa ang airport, sa gitna ng lumalalang tensyon at kaguluhan sa rehiyon.

Ayon sa opisyal na abiso ng embahada, “The Philippine Embassy in Lebanon strongly urges all Filipino citizens to leave Lebanon immediately while the airport remains operational.” Ito ay dahil sa patuloy na lumalalang sitwasyon sa Lebanon na maaaring maglagay sa panganib sa mga Pilipino doon.

Para sa mga Pilipinong hindi makaalis ng bansa, pinapayuhan silang lumikas sa mga pinakaligtas na lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley. Maaari silang makipag-ugnayan sa embahada para sa tulong sa mga numerong ito:

  • Para sa lahat ng OFWs na documented o undocumented: +961 79110729
  • Para sa overseas Filipinos (Dependents with Permanent Resident Status, i.e., wife iqama): +961 70858086

Dagdag pa ng embahada, “The safety and security of every Filipino citizen is our top priority. We urge you to act swiftly and follow the above instructions to ensure your safety.”

Ayon sa tala, mayroong mahigit 17,500 Overseas Filipinos at OFWs na naninirahan sa Lebanon.

Ang tensyon sa pagitan ng Lebanon-based Hezbollah at Israel ay sumiklab noong nakaraang linggo matapos maglunsad ng drone attack ang Iranian-backed Hezbollah group sa Golan Heights na okupado ng Israel. Tumama ang drone sa isang football ground sa Golan Heights na nagresulta sa pagkasawi ng 12 katao, kabilang ang mga kabataan.

Ayon sa Reuters, “Hezbollah senior military commander Fuad Shukr was then killed after an Israeli air strike hit a suburb of Beirut.” Samantala, isang Israeli air strike naman sa Tehran ang nagresulta sa pagkamatay ni Hamas political leader Ismail Haniyeh.

Pinaalalahanan ang lahat ng Pilipino na agad sundin ang mga alituntuning ito upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa harap ng lumalalang krisis sa Lebanon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.