Mga pulis sa missing sabungeros, tumatanggap ng payola mula kay Atong Ang — whistleblower

0
691

MAYNILA. Ilang opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y nakatanggap ng regular na payola mula sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy.”

Sa isang panayam sa telebisyon, inihayag ni Patidongan na may isang Police Colonel na umano’y tumatanggap ng hanggang P2 milyon kada buwan mula kay Ang. Bukod dito, sinabi rin niya na may iba pang mga pulis na binabayaran sa tuwing may itatrabaho o papataying sabungero.

Ipinakita ni Patidongan ang mga diumano’y “petty cash vouchers” bilang ebidensyang nagpapakita ng mga halagang ibinayad umano sa mga pulis. Isa sa mga voucher ay nagpapakita ng P2.6 milyon na ibinayad sa isang yunit ng pulisya, na may label na “intel.” Aniya, “Kapag sinabing intel, ‘yun na ‘yung P500,000, ‘yun na ‘yung bayad sa mga pinatay nila.”

Ayon pa sa kanya, “Yung overall naman na kinukuha ng isang colonel, ang monthly niya ay P2 million.”

Nauna nang itinanggi ni Atong Ang ang lahat ng akusasyon at naghain na ng mga kaso laban kay Patidongan.

Sa mga naunang rebelasyon, sinabi ni Patidongan na umabot sa 100 sabungero ang pinaslang, higit pa sa 34 na naunang naiulat na nawawala. Ayon sa kanya, mula sa mismong sabungan ay kinukuha ang mga sabungero na nasangkot umano sa pandaraya sa pustahan, kung saan sinasadya raw nilang ipatalo ang kanilang manok upang tayaan ang kalaban.

Si Patidongan ay dating manager sa mga farm ni Ang at nagsilbing aide nito sa loob ng 15 taon. Ngunit ayon sa kanya, napilitan siyang isiwalat ang mga impormasyon matapos umanong makatanggap ng banta ang kanyang pamilya.

“Sa totoo lang, kaya ko naman sana dalhin hanggang libingan itong sikreto namin ni Atong Ang. Ang problema, pamilya na ang pinag-uusapan dito,” pahayag ni Patidongan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.