MAYNILA — Hindi pa makapagsumite ng mga referral ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng imbestigasyon nito sa mga umano’y anomalya ng flood control projects dahil sa kakulangan ng mga komisyoner, ayon kay special adviser Rodolfo Azurin Jr. nitong Martes.
“Wala munang referral because kulang pa kami ng commissioner,” pahayag ni Azurin nang tanungin kung kailan maaaring i-refer ng ICI sa Office of the Ombudsman ang mga bagong impormasyong nakakalap ng komisyon.
Sa kasalukuyan, si ICI chairperson Andres Reyes Jr. na lamang ang natitirang komisyoner ng ahensya matapos magbitiw sa puwesto ang dating mga komisyoner na sina Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo.
Nagbitiw si Singson noong Disyembre 2025 dahil sa umano’y mga kadahilanang may kaugnayan sa kalusugan at seguridad. Samantala, sinabi naman ni Fajardo na natapos na niya ang mga gawaing itinakda niya para sa kanyang panunungkulan.
Sa kabila ng kakulangan sa miyembro, tiniyak ni Azurin na magpapatuloy ang trabaho ng komisyon.
“Gawin lang namin ‘yung trabaho namin so that pag dating ng bagong commissioners, kung may dadating, at least naka-ready na for filing ‘yung mga referral,” aniya.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na nais pa rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpatuloy ng ICI ang mandato nito sa kabila ng mga pagbibitiw sa komisyon.
P21.2 bilyon na ari-arian, na-freeze ng AMLC
Samantala, umabot na sa tinatayang P21.2 bilyon ang mga ari-ariang na-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, ayon sa isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC).
“As to frozen assets, we have P21.2 billion already, comprising bank accounts, e-wallets, insurance policies, motor vehicles, and air assets,” pahayag ni BOC Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, na miyembro rin ng ICI Asset Recovery Technical Working Group.
Nanawagan si Azurin sa publiko na makipagtulungan upang mapabilis ang pagbawi sa mga nasabing ari-arian.
“Kung lahat ng mga nakakaalam ng mga asset na kailangang i-recover natin, siguro malaking bagay ‘yun para sa ICI and the other agencies dahil nakita naman natin ‘yung commitment ng bawat agency na kapag meron kang binigay na trabaho, eh, tra-trabahuhin naman,” aniya.
Ayon pa kay Azurin, isang pribadong indibidwal ang kusang lumapit sa ICI at nagbigay ng impormasyon hinggil sa mga luxury vehicle na umano’y may kaugnayan sa dating Ako Bicol party-list Representative na si Zaldy Co.
Tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye upang mapanatili ang privacy ng nasabing indibidwal, ngunit nilinaw na hindi ito miyembro ng ICI, pulis, o kasapi ng militar.
“Ano lang, siguro may kaalaman siya, gusto niyang tumulong. ‘Gusto niyo ba malaman kung nasaan ‘yung mga sasakyan ni Zaldy Co?’ ‘Yun. At chineck ng mga tao natin. ‘Yun nga, may mga binigay na plate numbers,” pahayag ni Azurin.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng ICI habang hinihintay ang posibleng pagtalaga ng mga bagong komisyoner.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






