Mga rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa, maunlad pero inklusibo ba?

0
906

Sa mga administratibong rehiyon sa Pilipinas, kapansin-pansin sa mga manggagawa at sa mga naghahanap ng trabaho ang National Capital Region (NCR). Nararamihan sila sa oportunidad na kumita rito, samantalang naliliitan sila sa pag-asang kumita nang malaki kung mamasukan sa iba pang mga rehiyon. May katotohanan ba ito? Tumingin tayo sa datos ng kalapit-rehiyon na Calabarzon pati na rin sa Mimaropa.

(Layunin ko sa kolum ngayon ang ilahad kung ano ang meron at maaaring asahan sa dalawang rehiyong nabanggit, hindi para balewalain ang halaga ng iba pang mga rehiyon. Nataong mas na-cover ko ang dalawang ito.)

Nakailang palit na sa kung saan naka-assign o nakatakda ang Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan, ngunit kalimita’y sa administratibong rehiyon ang mga ito ng Region IV-B (kalimitan iyon, hindi na ngayon). Samantala, wala namang paggalaw ang Region IV-A sa maraming dekada; laging laman nito ang mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (Calabarzon). Kapwa kabilang dati sa Southern Tagalog o Timog Katagalugan ang mga probinsiyang bumubuo sa Mimaropa at Calabarzon, ngunit Mayo 17, 2002, natuldukan na ang ganoong pagtatakda sa bisa ng Executive Order No. 103 ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ibig sabihin, “safe” nang mabanggit sa kasalukuyan na ang Calabarzon ay sa Region IV-A at ituring na Mimaropa o Rehiyong Mimaropa ang kasunod nitong rehiyon. Hindi na sila Region IV-B, bagama’t merong IV-A. Para bang Eastern Samar, Northern Samar, at Samar na tatlong magkakadikit pero magkakahiwalay na probinsya; hindi maaaring sabihing “nasa Samar” ang Eastern Samar at Northern Samar.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), NCR nga ang nananatiling may pinakamalaking kontribusyon sa pambansang produkto ng Pilipinas noong nakaraang taon sa 31.5% bahagi (share) nito, mas mababa nang kaunti sa 31.9% noong 2020. Gayunman, Calabarzon ang may pinakamabilis na paglago (growth rate) sa 17 rehiyon. 7.6% sa Calabarzon, 4.4% lamang sa NCR. 7% pa nga ang paglago ng KaMaynilaan noong 2019 kaya mukhang pababa; katunayan, 5.7% lamang ang pagtaya noong nakaraang taon ngunit 4.4% lamang ang naabot.

Hindi naman malabong asahan ang pagbangon ng Mimaropa dahil umangat pa nga ang ekonomiya nito sa dating datos ng National Economic and Development Authority (NEDA). Meron itong 8.6% na paglago na pumangalawa sa mga mabibilis na lumagong rehiyon noon lamang 2018. Pinakamataas ito sa natamo ng Mimaropa sa loob ng isang dekada. Dikit na nakikipagsabayan ito sa Davao at Bicol kung growth rate ang pag-uusapan.

Bakit mamamasukan pa sa Metro Manila ang mga trabahador kung nahaharap naman ito sa samu’t saring usaping sa ekonomiya at kalikasan? Depende pa rin sa kapasidad nilang manatili roon at pagtiyagaan ang kakarampot na dagdag sa sweldo nila kumpara sa mga probinsya. Mas maganda nga lamang, sa aking pananaw, ang dadanasin nila kung mas pahahalagahan nila ang mga lupain sa kanayunan at mga ilog at dagat sa probinsiya lalo ngayon kung kailang mas inaasahan ng mga eksperto sa climate change ang mas malalim na relasyon ng tao sa kanyang paligid na mapagkukuhanan ng yaman habang nahaharap sa pandemiya. Ang pambansa at panglokal na pamahalaan naman ay dapat umagapay sa usaping ito ng paghahanap-buhay sa mga kababayan natin sa labas ng NCR, lalo na sa paunlad nang paunlad na Calabarzon at Mimaropa. Para maging inklusibo ang paglago ng ekonomiya ng dalawang rehiyon, dapat isaalang-alang ang mga salik sa pag-unlad nito at malaking tsansa ang inklusibong pag-unlad ng mismong bansa sa hinaharap.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.