Mga residente ng north Luzon binalaan sa posibleng debris mula sa Chinese rocket

0
140

MAYNILA. Nagbabala ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 1 (RDRRMC-1) sa mga residente ng Hilagang Luzon kaugnay ng posibleng pagbagsak ng debris mula sa isang Chinese rocket na ilulunsad sa mga susunod na araw.

Ang Long March 7A rocket ay nakatakdang ilunsad mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan, China. Ayon sa RDRRMC-1, ang paglulunsad na ito ay posibleng magresulta sa debris na babagsak sa karagatang sakop ng Pilipinas. Nakatakda ang paglulunsad mula alas-5 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi sa pagitan ng Agosto 21 hanggang Agosto 25.

Ang mga identified drop zones ay nasa layong 38 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 66 nautical miles mula sa Santa Ana, Cagayan. Dahil dito, inaabisuhan ang mga residente, lalo na ang mga mangingisda, na iwasan ang paglayag, pangingisda, at pagligo sa dagat malapit sa mga nabanggit na lugar sa panahon ng launch period.

“Ang anumang debris na mahahanap ay posibleng naglalaman ng mga toxic substances. Huwag itong lapitan at agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad,” babala ng RDRRMC-1.

Patuloy na minomonitor ng mga kinauukulan ang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo