Mga Senador: Kasuhan ang may-ari ng venue, mga paaralan para sa hazing death

0
266

Sisikapin ng mga senador na amyendahan ang Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act upang maiwasan ang karagdagang pagkawala ng buhay kasunod ng pagkamatay ni John Matthew Salilig, ang 24-anyos na Adamson University junior chemical engineering student na namatay sa blunt force trauma sa lower extremities pagkatapos ng isang “welcome rite” ng Tau Gamma Phi fraternity.

Sa pagdinig ng komite noong Martes, sinabi ng mga senador na dapat managot ang pamunuan ng paaralan at ang may-ari ng hazing venue, lalo na kung may aktwal na kaalaman sa aktibidad ngunit walang ginawa.

“No ifs and buts. Lahat ng mga owner ng venue dapat makasuhan at maging ng mga nag-facilitate, at lahat ng mga opisyal ng fraternity chapter ng school na ‘yan kung saan naganap ang hazing, kakasuhan din ng (All owners of the venue should be charged, and even those who facilitated, and all the fraternity chapter officials of the school where it happened should also be charged with) reclusion perpetua,” ayon kay Senator Raffy Tulfo sa hearing ng  Committee on Justice and Human Rights.

Gayunpaman, alam ni Tulfo na ang mga fraternity at iba pang katulad na organisasyon ay nababalot ng lihim

“A bond that dictates outright blind obedience to the seniors and masters,” ayon kay Tulfo.

Kinuwestiyon ni Senador Ronald Dela Rosa kung alam ng mga paaralan ang mga probisyon ng batas.

“Bibigyan na natin ng diin ‘yung mabigat na parusa sa school administration na hindi ino-observe itong provisions ng batas na ito. Yung amendment na gagawin mas mabigat na penalty dapat ipapataw sa eskwelahan dahil hindi nila ginagawa ‘yung kanilang loco parentis doon sa estudyante,” ayon kay de la Rosa.

Sinabi sa mga senador ni Daniel Perry, ang master initiator sa malagim na welcome rites, na hindi sila sumailalim sa orientation tungkol sa anti-hazing law nang mag-enroll sila sa Adamson.

Itinanggi ni Jan Nelin Navallasca, direktor ng Adamson Office for Student Affairs, ang pahayag ni Perry.

Aniya ay regularsilang nagsasagawa ng mga oryentasyon tungkol sa iba’t ibang batas kabilang ang anti-hazing at nilinaw na hindi kinikilala ng Adamson ang Tau Gamma Phi bilang isang student organization.”It is our policy that we don’t recognize sororities and fraternities in the university,” ang sabi niya sa committee.

Gayunpaman, binigyang-diin nina Dela Rosa at Tulfo ang pangangailangan para sa mga paaralan na i-regulate ang mga umiiral na grupo na inoorganisa o nilalahukan ng kanilang mga estudyante.

Iminungkahi ni committee chair Senator Francis Tolentino ang finetuning ng Anti-Hazing Law, tulad ng pagsali sa mga local government units at pagtukoy sa responsibilidad ng paaralan sa ilalim ng loco parentis (in place of parents) doctrine.

Kaugnay nito, sinabi ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Police Regional Office-Calabarzon director sa komite na natukoy na nila ang 18 sa 22 indibidwal na sangkot sa pagkamatay ni Salilig,

Sa 18, anim ang sumailalim na sa inquest proceedings, kabilang si Perry na sumuko noong weekend.

“As soon as the forensic evidence will be ready, we will be filing the same case of the violation of anti-hazing law,” ayon kay Nartatez.

Samantala, hiniling na ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice na maglabas ng lookout bulletin para sa lahat ng hindi pa nahuhuling mga suspek na sangkot sa hazing rites na ikinamatay ng Adamson University engineering student na si John Matthew Salilig noong Pebrero.

Sinabi ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., kanina na binigyan na nila ang DOJ ng mga pangalan nang isinampa ang kaso laban sa mga suspek.

“We already coordinated with the DOJ to put these suspects on the watchlist so that at least the (Bureau of) Immigration will be alerted just in case these people try to flee outside of the country,” ayon kay Azurin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.