Mga tumulong sa pagtakas ni Alice Guo, tutukuyin ng DOJ

0
141

MAYNILA. Inaasahang matatapos ngayong buwan ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) upang matukoy kung may mga opisyal ng gobyerno o pribadong indibidwal na tumulong sa iligal na pagtakas ng dating mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo palabas ng bansa.

Ayon kay DOJ Spokesman Asec. Mico Clavano, malapit nang matapos ang imbestigasyon. “It’s coming to an end,” ani Clavano, na bagamat walang eksaktong petsa, ay nagsabi, “it seems to be perhaps this month.” Dagdag pa niya, “We can expect the results of the investigation will come out very soon.”

Si Alice Guo, kasama ang kanyang mga kapatid na sina Wesley at Shiela Guo, ay umano’y nakalabas ng bansa noong kalagitnaan ng Agosto nang hindi natukoy ng Bureau of Immigration (BI). Naaresto si Alice sa Jakarta, Indonesia, at naibalik sa Pilipinas nitong Biyernes.

Sinabi rin ni Clavano na hindi lamang mga public officials kundi pati na rin ang mga pribadong indibidwal na tumulong sa pagtakas ni Guo ay dapat mapanagot.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga mananagot sa iligal na paglabas ng magkakapatid na Guo, lalo na sa gitna ng imbestigasyon ng Kongreso sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Napag-alamang ang magkakapatid na Guo ay nakalabas ng bansa sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka patungong Sabah, at mula roon ay bumiyahe patungong Indonesia, Singapore, at Malaysia.

Noong nakaraang linggo, naaresto si Shiela Guo kasama si Cassandra Li Ong sa Batam, Indonesia, bago sila makasakay ng ferry pabalik ng Singapore. Si Alice naman ay nahuli sa Jakarta. Si Wesley, sa kabilang banda, ay huling namonitor na patungo ng Hong Kong.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Sr., nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Indonesian Police at mga kapwa ahensya sa ASEAN upang matiyak ang pagsuko ni Wesley Guo, na sinasabing isang gambling executive na may kaugnayan sa illegal na operasyon ng POGOs sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo