Michael V ipakikilala si Ciala Dismaya sa Bubble Gang, mapapanood bukas

0
610

MAYNILA. Muling bibida sa pinakabagong spoof ng Bubble Gang si Michael V., na magpapakilala ng bagong karakter na pinangalanang Ciala Dismaya, na malinaw na parodiya sa kontratistang si Cezarah “Sarah” Discaya na nasasangkot sa isyu ng maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa Instagram, nagbigay ng pasilip ang Bubble Gang sa bagong sketch kung saan makikitang suot ni Michael V. ang puting blazer, gray top, bob cut wig, at may nunal na pamoso sa kanyang karakter. Sa isa pang post ng GMA Network, makikita rin siya na may hawak na asul na payong, na tumutukoy sa kontrobersyal na panayam kay Discaya tungkol sa pagbili ng mamahaling sasakyan na dahil sa isang payong.

“Ang pinag-uusapan ng lahat, pinangalanan na!” ayon sa caption ng Bubble Gang sa teaser post nito.

Sa panayam ng GMA News Online, ikinuwento ni Michael V. o Direk Bitoy kung paano siya napaisip na gampanan si Discaya matapos mapansin ang kanilang pagkakahawig.
“Actually una kong napansin kaagad ‘yan sa Senate hearing. Ako mismo napansin ko na. Parang kamukha ko siya. Parang konting effort na lang magagaya ko na siya,” ani Michael V. “Hindi ko muna inisip na gayahin right away. Pero dahil sa dami ng messages na nagpa-flood sa feed ko, binato ko na agad sa creative team ng Bubble Gang. And they had the same idea rin pala.”

Nagulat umano ang Bubble Gang team sa dami ng reaksyon mula sa netizens nang ilabas nila ang teaser noong Setyembre 8. “Nagulat ako dahil nakatalikod pa lang, ‘di pa nga nila nakikita ‘yung mukha, na-excite na agad ‘yung mga tao. Abangan ninyo this Sunday, mas lalo kayong matutuwa sa inihanda namin,” dagdag ni Michael V.

Samantala, sinabi ni Atty. Cornelio Samaniego III, abogado ni Sarah Discaya, sa panayam ng Super Radyo DZBB na hindi na-offend ang kanyang kliyente sa parody.
“Pero wala siyang violent reaction [or] whatever, wala. Nire-respeto natin si Michael V., idol natin ‘yan sa Bubble Gang. Trabaho niya ‘yan, parang ako abogado, trabaho ko ‘to, di ba?” ani Samaniego.

Mapapanood ang espesyal na episode ng Bubble Gang na tampok si Ciala Dismaya bukas, Setyembre 14, ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network.

Author profile
Paraluman P. Funtanilla
Contributing Editor

Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor.  She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.