Midyear bonus ng mga empleyado ng gobyerno, matatanggap na

0
50

MAYNILA. Magsisimula nang matanggap ng mga manggagawa sa gobyerno ang kanilang midyear bonus ngayong Huwebes, Mayo 15, 2025, ayon sa anunsyo ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang bonus ay katumbas ng isang buwang basic na sahod ng mga kwalipikadong empleyado at saklaw nito ang lahat ng civilian personnel, maging permanent, temporary, contractual, o elected, a lahat ng sangay ng pamahalaan, pati na rin ang mga military at uniformed personnel (MUP) mula sa iba’t ibang ahensya.

Aabot sa ₱63.695 bilyon ang inilaang pondo ng gobyerno para sa midyear bonus ngayong taon. Mula rito, ₱47.587 bilyon ang nakalaan para sa mga civilian personnel habang ₱16.108 bilyon naman ang para sa mga MUP.

Ayon sa DBM, ang pondo para sa midyear bonus ay naipamahagi na sa mga national government agencies at local government units simula pa noong Enero 2025, bilang paghahanda sa takdang petsa ng distribusyon.

Para maging kwalipikado sa bonus, kailangang:

  • Nagsimula ang serbisyo hindi lalampas sa Hulyo 1, 2024;
  • Nakatapos ng hindi bababa sa apat na buwang aktwal na serbisyo mula Hulyo 1, 2024 hanggang Mayo 15, 2025;
  • Nasa aktibong serbisyo sa gobyerno sa mismong araw ng Mayo 15, 2025; at
  • May katanggap-tanggap na performance rating sa huling evaluation period.

Sa kabila ng mga limitasyon sa budget at iba’t ibang gastusing kinakaharap ng bansa, tiniyak ng pamahalaan na matatanggap pa rin ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang karampatang benepisyo sa takdang oras.

Ang midyear bonus ay isa sa mga insentibo na layong hikayatin ang mas mataas na antas ng serbisyo publiko at pagpapanatili ng maayos na performance sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.