Minenos ang Star For All Seasons?Kandidato sa Batangas, sinita ng Comelec sa ‘laos’ na banat kay Vilma Santos

0
85

BATANGAS CITY. Inisyuhan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) si Vice Mayor Jay Ilagan ng Mataas na Kahoy, Batangas, kaugnay ng kanyang kontrobersyal na pahayag laban kay Vilma Santos, na tumatakbo ring gobernador sa lalawigan.

Ayon sa Comelec, may tatlong araw lamang si Ilagan upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa, kasunod ng kanyang naging pahayag sa isang campaign rally noong Marso 29.

Sa naturang pagtitipon, sinabi umano ni Ilagan:

“Hindi ako natatakot na makalaban si Vilma Santos dahil laos na siya.”

Dagdag pa niya:

“Marami-rami sa mga tagahanga ni Vilma Santos ay namamahinga na at ang iba ay may edad na.”

Ayon sa Comelec, ang mga pahayag na ito ay posibleng lumabag sa Comelec Resolution No. 11116, partikular sa probisyon nito ukol sa Anti-Discrimination and Fair Campaigning. Itinuturing ng komisyon na hindi patas at may bahid ng diskriminasyon ang pagbabanggit ni Ilagan sa edad ng mga tagasuporta ni Santos.

Binigyang-diin ng Comelec na kung mabibigong makapagpaliwanag nang maayos si Ilagan, maaari siyang masampahan ng election offense at posibleng madiskwalipika sa kanyang kandidatura ngayong halalan.

Wala pang opisyal na pahayag mula kay Ilagan hinggil sa isyu. Samantala, nananatiling tahimik din sa ngayon ang kampo ni Vilma Santos.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.