Dapat tiyakin ang wastong pagsusuot ng “well-fitted” na mga face mask sa labas man o sa loob ng pribado o pampublikong mga establisyimento at kapag sumasakay sa mga pampublikong land, air at sea transportasyon sa mga lugar na ibababa sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, acting presidential spokesperson, sa isang briefing kahapon na dapat tiyakin ng mga lugar ng trabaho ang isang ligtas na kapaligiran ngayong pinapayagan ang 100-porsiyentong kapasidad.
“Para magkaroon ng malusog at ligtas na workplace, kailangan maging aktibo ang health officers,” ayon sa kanya.
Ang mga face mask ay maaari lamang tanggalin kapag kumakain at umiinom, nakikilahok sa pangkat at indibidwal na mga sports sa mga lugar kung saan maaaring mapanatili ang mga pamantayan ng bentilasyon, at kapag gumagawa ng mga panlabas na sports o mga aktibidad sa pag-eehersisyo kung saan maaaring mapanatili ang physical distancing.
Dapat magkaroon ng contingency plan sa mga lugar ng trabaho at maayos na air exchange, ayon sa itinakdang guidelines ng Department of Labor and Employment, gayundin ang sanitation facilities, giit ni Nograles.
Hindi na inirerekomenda ang paggamit ng mga foot bath, disinfection tents, misting chamber, at sanitation booth para sa pagpigil at pagkontrol sa pagpapadala ng Covid-19, at pagsuri ng temperatura bago pumasok.
Ang paggamit ng mga plastic o acrylic barrier at paglalagay ng mga safety seal ay opsyonal at kung naaangkop, dagdag niya.
“Dahil sa ating pakikipagtulungan maari na nating luwagan ang mga nakasanayang mahigpit na patakaran,” ayon kay Nograles.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.