Misis binaril ng mister dahil sa selosan

0
160

BAUAN, Batangas. Kritikal ang kalagayan sa ospital ng isang 28-anyos na misis matapos itong barilin sa kanang sentido ng kanyang mister sa Barangay Poblacion, bayang ito.

Kinilala ni Police Col. Nestor Cusi, ang hepe ng pulisya sa Bauan, ang biktima na si Krishna Castro na tinamaan sa ulo ng isang bala mula sa baril na pag-aari ng asawa nito na si Hernan Castro, 32 anyos at residente sa nasabing lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, selos ang naging dahilan ng pamamaril ni Hernan sa kanyang asawa, dahil sa madalas umanong pagbintang ni Krishna na may ibang babae ang kanyang mister.

Batay sa impormasyon na nakalap ng mga pulis sa mga kapitbahay ng pamilyang Castro, karaniwan ng marinig ang mga pagtatalo ng mag-asawa, lalo na at umuuwi si Hernan mula sa trabaho. Ngunit sa halip na harapin ang mga alitan, mas pinipili raw ng lalaki na umalis na lang upang hindi na umano lumala pa ang sitwasyon.

Noong Biyernes ng gabi, bandang 9:00 ng gabi, nakarinig ang mga kapitbahay ang muling pag-aaway ng mag-asawa. Sa pag-aakala na ito’y pangkaraniwang sigalot lamang, hindi na nila ito pinansin hanggang sa makarinig sila ng putok ng baril.

Agad na tinawagan ng mga kapitbahay ang barangay upang humingi ng tulong. Hindi nagtagal, isinugod sa ospital sa Cabuyao si Krishna ngunit agad namang nakatakas si Hernan.

Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng Calabarzon Police Regional Office hinggil sa insidente at iniisa-isa ang mga saksi upang makuha ang buong kwento ng naganap na insidente. Samantalang, naisampa na laban kay Hernan Castro ang mga kaukulang kaso sa tanggapan ng piskalya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.