ANTIPOLO CITY, RIZAL. Isang kahindik-hindik na insidente ang nangyari sa isang ginang na hindi raw maawat sa paggamit ng droga matapos putol-putulin ang kanyang katawan at ilagay sa garbage bag bago itapon sa ilalim ng tulay at sa isang bangin ng kanyang live-in partner sa bayang ito noong Biyernes ng umaga.
Matapos ang dalawang araw na pagkawala, natagpuan ang putol putol katawan ni Lanie Loreta sa National Housing Authority Avenue, Antipolo City.
Ngayon ay nahaharap sa kasong murder si Vince Eric Ramos, 27 anyos, ang itinuturong suspek sa nasabing krimen.
Ayon kay Lt. Col. June Paolo Abrazado, hepe ng pulisya Antipolo City Police Station, ang mga braso at hita ni Loreta ay pinagtataga at pinutol bago ito isinilid ng kanyang live-in partner sa isang trash bag na natagpuan ng mga basurero sa Brgy. Dela Paz alas-11:50 ng umaga.
Sinabi ni Abrazado na ang mga labi ng biktima ay kinilala ng kanyang tiyahin na si Leoniza Mateo sa pamamagitan ng tattoo, na siyang nagpapahiwatig na ito ang nawawala niyang pamangkin.
Nakita naman ang iba pang bahagi ng katawan ng biktima sa isang bangin malapit sa daan sa Boso-bosa, Brgy. San Jose, na nasa 10.2 kilometro ang layo mula sa lugar kung saan natagpuan ang unang garbage bag.
Sa unang pahayag, sinabi ng suspek na hindi na raw nakabalik ang biktima sa kanilang tahanan matapos siyang ibaba sa Cogeo Gate 2 at magpunta sa isang mall para makipagkita sa isang taong may alias na “Ate” noong Miyerkules bandang alas-8 ng gabi.
Gayunpaman, matapos ang masusing imbestigasyon ng pulisya, lumabas na ito ay pawang imbento lamang ng suspek, kaya’t siya ay agad na inaresto noong araw na iyon matapos siyang imbitahan muli sa istasyon ng pulisya.
Sa pag-uusap nila, umamin umano ang suspek sa karumal-dumal na krimen, na sinasabing bunga ng kanyang matinding galit sa biktima na hindi tumigil sa paggamit ng droga.
Ang biktima ay dating nakulong sa Antipolo Police Station dahil sa kasong illegal drugs kasama ang kanyang ka-partner na naaresto rin sa parehong kaso.
Sinisikap ng pulisya na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Lanie Loreta.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.