Mister patay, misis sugatan sa ambush sa Antipolo

0
307

ANTIPOLO CITY. Patay ang isang mister at sugatan naman ang kanyang misis matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa isang insidente ng ambush sa lungsod na ito.

Dead on the spot si Abad Antonius Lazaro habang ginagamot naman ngayon sa isang ospital ang sugat sa hita ng kanyang asawang si Grace.

Nakatakas ang dalawang salarin, at hanggang ngayon ay patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan sa kanila.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, nangyari ang insidente bandang 6:00 ng gabi sa VV Soliven St., Brgy. Mayamot, Antipolo City. Ang mag-asawa ay bumibiyahe papunta sa Sumulong Highway sakay ng kanilang Honda Jazz sedan (plakang ZCH-398) nang biglang harangin at barilin sa isang intersection.

Kaugnay nito, iniutos ni PRO 4A Regional Director PBGen Paul Kenneth T. Lucas tutukan ang kaso at tingnan ang posibleng motibo at personalidad ng mga salarin upang makamit ang hustisya para sa biktima.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.