Miyembro ng gun-for-hire group, nahuli sa Batangas

0
365

Lipa City, Batangas. Arestado ang isang miyembro ng Camo Gun-for-Hire Group sa lungsod na ito sa ilalim ng manhunt operations na ikinasa ng Lipa City Police Station, Police Intelligence Unit, at Provincial Mobile Force Company ng Batangas.

Kinilala ni Chief of Police ng Lipa CPS, Police Colonel Rix S. Villareal ang inaresto na si Alvin Buenavista y De Chavez, 25 anyos na tubong Malabanan Sur, Candelaria, Quezon, at kasalukuyang naninirahan sa Tiaong, Quezon. 

Si Buenavista ay nagtatago mula pa noong 2018 at nahuli kahapon sa Brgy. Mataas na Lupa, Lipa City, Batangas sa tulong ng mga impormasyon mula sa barangay information network asset.

Ang akusado ay may nakatayong Warrant of Arrests para sa mga kaso ng Murder at Frustrated Murder na may petsang Hulyo 30, 2018 sa ilalim ng mga numero ng kaso 07-0679-2018 hanggang 07-0680-2018 na inisyu ni Hon. Wilfredo P. Castillo, Presiding Judge Regional Trial Court Branch 85, Lipa City.

Kasama ng akusado ang kanyang tatlong (3) iba pang kasama na mayroon ding mga standing warrant of arrest hinggil sa pagkamatay at malubhang pinsala nina Ronaldo Mendoza at Engracio L. Mendoza, 69 anyos, na tinaga, sinasak ng ice pick at balisong noong Abril 8, 2018 ng gabi sa Brgy. Pinagkawitan, Lipa City.

Kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng Lipa ang mga arestado habang inaabisuhan ang korte.

“Nakikita natin sa naturang accomplishment ang kahalagahan ng ating pinalakas at magandang relasyon sa komunidad, na binuo sa pamamagitan ng ating barangay information network at mga asset bilang bahagi ng ating intelligence operation. Sa pagkakaaresto sa suspek, mabibigyan ng hustisya ang kanyang mga biktima, ” ayon kay Police Regional Director PBGen. Antonio C. Yarra.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.