MMDA: Bagong number coding scheme binabalak pagkatapos ng eleksyon

0
272

Binabalak simulan ang pagpapatupad ng bagong number coding scheme para mabawasan pa ang traffic ng sasakyan sa National Capital Region (NCR) pagkatapos ng May 2022 elections, ayon kay Frisco San Juan Jr., Usec ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa isang briefing ng Laging Handa kahapon, sinabi ni San Juan na patuloy pa rin ang pag-aaral sa panukalang 40 hanggang 50 porsiyentong reduction plan ng sasakyan.

“Nakikipag-usap pa po tayo sa other government agencies upang mabigyan din nila ng mga suhestiyon kung alin dun sa dalawa ang ating ipapatupad at maaari pong siguro after elections na po natin ipapairal,” San Juan said.

Nauna dito ay iminungkahi ng MMDA ang dalawang posibleng pagbabago sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) nito na karaniwang kilala bilang number o color-coding.

Ang isang opsyon ay isang 50 percent volume reduction plan kung saan ang mga sasakyang may plaka na nagtatapos sa even numbers ay pagbabawalan sa mga pangunahing kalsada ng NCR tuwing Martes at Biyernes habang ang mga plaka na nagtatapos sa mga odd numbers ay pagbabawalan tuwing Lunes at Huwebes.

Ang isa pang opsyon ay 40 percent reduction plan kung saan ang mga sasakyan ay pagbabawalan sa NCR ng dalawang araw sa isang linggo na may iba’t ibang iskedyul batay sa kanilang plaka.

Ang parehong mga opsyon ay ipapatupad lamang sa mga oras ng rush—umaga mula 7 a.m. hanggang 10 a.m. at gabi mula 5 p.m. hanggang 8 p.m.

Upang matugunan ang napipintong pagpapatuloy ng face-to-face classes, aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa sektor ng pampublikong transportasyon at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa posibleng muling pagbubukas ng mga luma at bagong ruta ng pampublikong transportasyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo