Most wanted na rapist sa Calabarzon, nadakip

0
149

LUCENA CITY, Quezon. Nakatakdang humarap sa hustisya ang matagal ng hinahanap na “most wanted” na personalidad sa Calabarzon matapos ang matagumpay na pag-aresto sa kanya ng mga tauhan ng Lucena City Police Station (CPS). Isinagawa ang operasyon sa Brgy. Wakas, Tayabas City, lalawigan ng Quezon, kahapon ng hapon.

Ayon kay PLt. Col. Ruben Ballera, Jr., hepe ng Lucena CPS, matagal nang nagtago si Mark Lester Leona Dela Cruz, 30 anyos na residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City. Suspek siya sa panghahalay noong 2020 sa Biñan City, Laguna.

Sa loob ng tatlong taon, si Dela Cruz ay nag palipat-lipat ng tirahan sa Lucena City at Tayabas upang magtago sa batas.

Nang matanggap ng mga otoridad ang impormasyon tungkol sa lokasyon ng suspek, agad na nag-ugnayan ang Biñan City Police kay Lt. Col. Ballera at Tayabas City Police upang maisagawa ang pag-aresto sa “most wanted” na ito.

Alas-3:15 ng hapon, sinalakay ng mga operatiba ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Wakas sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Dennis Busi Rafa ng Regional Trial Court ng Biñan City.

Nasorpresa si De la Cruz at hindi na nagtangkang pumalag. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Ipinasa siya sa pangangalaga ng Biñan City Police upang magsagawa ng mga kinakailangang hakbangin ukol sa kasong rape.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.