Motorbike rider na nag-vlog sa SLEX, pinatawan ng show cause order ng LTO

0
160

MAYNILA. Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) legal ang isang motorista na pumasok sa South Luzon Expressway (SLEX) habang nagba-vlog gamit ang motorsiklong 250cc, na mas mababa sa itinakdang 400cc limitasyon para sa expressway. Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang LTO noong Huwebes, Setyembre 13.

Ayon sa ulat, alam ng rider na bawal ang kanyang motorsiklo sa expressway ngunit sinubukan pa rin niya ito at ipinahayag sa kanyang vlog, “Tingnan natin kung papapasukin ako sa expressway kahit 250cc lang ang motor ko.” Ang aksyon na ito ay na-upload sa social media at mabilis na nag-viral, na nagdulot ng matinding batikos mula sa mga netizen. Marami sa kanila ang nanawagan sa LTO na kumilos dahil sa tahasang paglabag sa batas.

Sa pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, agad siyang nag-utos ng imbestigasyon matapos malaman ang insidente. Ang aksyon ng vlogger ay itinuturing na iresponsable at mapanganib, hindi lamang para sa kanya kundi pati na rin sa ibang motorista sa expressway.

“Ito ay maliwanag na pambabastos sa rules and regulations ng expressways na ginawa naman para sa kaligtasan hindi lamang ng motorcycle riders kundi pati na rin ng iba pang motorista na gumagamit ng expressways,” ayon kay Assec Mendoza. Dagdag pa niya, “Ang kahambugan na ipinakita ng rider na ito ay isang pagpapatunay ng kawalan ng disiplina. Ito na ang magiging paksa ng imbestigasyon kung tatangkilikin pa rin niya o hindi ang pribilehiyong mabigyan ng lisensya sa pagmamaneho.”

Bilang resulta ng imbestigasyon, inilagay ng LTO sa ilalim ng alarma ang lisensya ng motorista at ang kanyang motorsiklong Kawasaki 250 na may Plate No. 428UDE habang hinihintay ang pinal na desisyon sa kaso. Ang ahensya ay naninindigan na ang mga patakaran sa expressway ay ipinatutupad para sa kaligtasan ng lahat ng mga gumagamit ng kalsada.

Patuloy na hinihintay ang resulta ng imbestigasyon na maaaring magdulot ng mas mabigat na parusa sa vlogger na ito, kabilang ang posibleng pagkansela ng kanyang lisensya sa pagmamaneho.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.