Motorista, commuters dadanas ng matinding trapiko sa konstruksyon ng bagong Muntinlupa–San Pedro Bridge

0
243

MANILA, Philippines — Inaasahang haharap sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga motorista at komyuter sa pagsisimula ng konstruksyon ng bagong Muntinlupa (Tunasan)–San Pedro, Laguna bridge na dapat ay sinimulan noong Pebrero 1, 2026 ngunit naantala, ayon sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ayon sa Department of Public Works and Highways–National Capital Region (DPWH-NCR), katuwang ang isang pribadong contractor, itatayo ang bagong tulay sa kahabaan ng national highway sa hangganan ng Muntinlupa at San Pedro.

Nauna nang nag-abiso ang Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) na ipatutupad ang isang stop-and-go traffic scheme sa lugar ng proyekto. Hindi papayagang dumaan ang mga sasakyang may anim na gulong pataas at ididirekta ang mga ito na gumamit ng South Luzon Expressway (SLEX).

“Moderate to heavy traffic is expected in the area. Motorists are advised to plan their trips ahead and strictly observe traffic rules and regulations,” pahayag ng MTMB.

Sa pagsisimula ng proyekto, isang lane ng tulay ang isasara para sa konstruksyon, habang ang natitirang lane ay mananatiling bukas para sa light vehicles.

Traffic Advisory ng San Pedro City

Samantala, inanunsyo ng San Pedro City government ang mga traffic advisory na ipatutupad simula Pebrero 1:

1. Stop-and-Go Scheme
Tanging light motor vehicles at Public Utility Jeepneys (PUJs) lamang ang papayagang dumaan sa kalahating bahagi ng Tunasan–San Pedro Bridge sa ilalim ng Stop-and-Go traffic scheme.

2. Public Utility Buses (PUBs) at Trucks (Category 3)
Mula Manila patungong South (San Pedro):

  • Mula San Pedro Toll Plaza, dumaan sa La Marea Exit
  • Kumaliwa sa Magsaysay Road
  • Kumaliwa sa M. Gerodias Street
  • Kumaliwa sa Cresta Ola Street
  • Kumaliwa sa Pagsanjan Street
  • Dumiretso sa Maharlika Avenue (United San Pedro Subdivision)
  • Kumanan sa National Highway patungo sa destinasyon

Papuntang Manila:

  • Dumaan sa National Highway
  • Kumaliwa sa Magsaysay Road
  • Dumaan sa Alaska Bridge
  • Pumasok sa San Pedro Toll Plaza (Manila-bound)

3. Trucks (Category 3)
Mula San Pedro National Highway patungong Las Piñas:

  • Kumaliwa sa Magsaysay Road
  • Dumiretso sa Daang Hari

Tinatayang aabot sa 210 calendar days o humigit-kumulang pitong buwan ang konstruksyon ng bagong Muntinlupa–San Pedro bridge, ayon sa pahayag ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon matapos ang isang pulong noong Enero 30 kasama ang mga kinatawan ng DPWH-NCR at ng mga lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at San Pedro.

Orihinal na itinakda ang pagsisimula ng proyekto noong Pebrero 1, subalit ito ay naantala dahil sa mga permit at clearance na kailangan pang kunin ng DPWH-NCR mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan.

“Napagdesisyunan ito kaugnay ng request ng DPWH NCR na i-move muna ang target start to a later date. Kailangan pang mag-secure ng DPWH-NCR ng mga kaukulang permits at clearances mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), MMDA, at Muntinlupa at San Pedro LGUs, bago tuluyang simulan ang proyekto,” pahayag ni Biazon sa Facebook.

Dagdag pa ng alkalde, tinalakay rin sa pulong ang mga alalahanin kaugnay ng flooding at water flow sa ilalim ng tulay.

“Ang mga ito ay ire-refer sa DPWH NCR Planning Division at pag-aaralan pa, kasama ang posibleng consultation sa mga apektadong komunidad at ang pagsasagawa ng simulation sa ipatutupad na traffic management plan,” ani Biazon.

“Mas mahalaga sa atin na maayos at handa ang lahat bago magsimula ang project, kaysa magdulot ng hindi inaasahang abala sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.