Mukhang mani ngunit hindi mani

0
739

Ngayong year 2021, maraming bagong lingo ang kabataan na nababasa ko sa social media at ako ay napapanganga. Kung hindi tayo updated, gaya namin ni Myna, na malapit ng maging senior ay talagang mapapaisip kayo sa mga bagong salitang ito. Ilang halimbawa nito ang “Maritess” o mare, anong ang latest, “sakalam” o malakas, “awit” o aww sakit, “lodi” o idol, “petmalu” o malupit. Ah eh, at maraming iba pa.

Ganun pa man, ang mga kabataan ay marami ring salita na kailangang habulin sa ating mga plantitas at plantitos at magsasaka. Isang halimbawa nito ang halamang mani manian. Madalas akalain ng mga kabataan na ito ‘yong halamang mani na naglalaman ng peanut pods na nilalaga o inaabodo. 

Ano nga ba ang halamang mani manian o golden glory, Arachis pintoi o Pinto Peanut?  Ang scientific name nitong Arachis pintoi ay ipinangalan sa Brazilian botanist na si Geraldo Pinto. Mukhang mani ngunit hindi mani.

Ang halamang ito ay paboritong pagkain ng mga alaga nating hayop sa bukid gaya ng rabbit, manok, pabo, baboy, baka, kalabaw, kabayo, kambing, tilapia, hito at iba pang forage animals gaya ng chicken, turkey, pig, cow, hoarse, goat, tilapia at catfish. Mataas ang nitrogen fixing rate ng halamang ito. Ang high quality forage na mani manian ay may protein content na naglalaro sa pagitan ng 17% at 20%, at dry matter digestibility na nasa pagitan ng 67% at 71%.

Ang bulaklak nito ay edible at pwedeng gamitin na color ingredient sa mga soup at salad.

Isa sa mga bagong paborito ng mga landscape artist  itong Arachis pintoi para sa mga home garden at landscape institutions, theme park, botanical garden, golf course, tabing daan, resort, pathway, at marami pa. Ayon kasi sa mga pag-aaral, pinabubuti ng Arachis ang kundisyon at fertility ng lupa. Mabilis itong kumalat kaya madaling natatakpan ang lupa at nakakatulong ito ng malaki sa pagkontrol ng soil erosion.

Mainam itong itanim sa mga dahilig na lugar sapagkat nakakatulong upang huwag gumuho ang lupa. Maganda din itong gamitin na ground cover sa landscape. Dahil mga tatlo o apat na linggo matapos itong sumibol ay namumulaklak na at buong taon na namumulaklak. Ideal na background ang mani manian field para sa mga prenuptial, anniversary at birthday pictorial.

Ang mga halaman ay kasama natin na nilikha ng Diyos. Ang mga ito ay may mahalagang ginagampanan sa biodiversity  at sa ecosystem ng ating mundo. Mahalaga na  maging mapanaliksik tayo at magdagdag ng kaalaman bilang pagpapahalaga sa inang kalikasan.

Sabi nga sa Genesis  9:3, bawa’t gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.