Nadagdagan ng 6 ang kaso ng mpox sa bansa: DOH nanawagan ng mas mahigpit na kalinisan

0
111

MAYNILA. Anim na bagong kaso ng mpox ang naitala sa bansa, na nagdala ng kabuuang 14 na aktibong kaso, ayon sa Department of Health (DOH) kahapon, Setyembre 9. Ayon sa DOH, ang lahat ng pasyente ay nagpapagaling na sa kanilang mga tahanan.

Sa isang press conference, kinumpirma ni Health Secretary Ted Herbosa na mula Hulyo 2022, umabot na sa 23 ang kabuuang bilang ng mpox cases sa bansa. Karamihan sa mga ito ay mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Cagayan Valley.

“Ang pangunahing rekomendasyon ko sa publiko ay ang madalas na paghuhugas ng kamay,” ani Herbosa, na nananawagan sa publiko na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Para naman sa mga establisyimento tulad ng mga hotel at spa, binigyang-diin ni Herbosa na dapat palitan ang mga linen at tuwalya pagkatapos gamitin ng bawat kliyente.

Bagaman walang deklarasyon ng emergency, nagbabala si Herbosa na may posibilidad na makarating sa bansa ang Clade Ib strain ng monkeypox virus (MPXV), isang mas bagong uri ng virus na kasalukuyang umiikot sa Democratic Republic of the Congo at mga karatig-bansa nito. “Walang dapat ikabahala. Mananatiling pareho ang pamamahala natin para sa mpox,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, lahat ng 23 kumpirmadong kaso ng mpox sa bansa ay sinuri para sa Clade II strain ng MPXV, na itinuturing na mas banayad. Sinabi rin ng DOH na ang mga pinaghihinalaang kaso ng mpox ay maaaring makapag-avail ng libreng testing services sa mga ospital ng gobyerno upang makumpirma kung sila ay nahawaan ng virus.

Patuloy na nananawagan ang DOH sa publiko na maging maingat at sundin ang mga patakaran sa kalinisan upang maiwasan ang karagdagang pagkalat ng mpox.

Samantala, nilinaw ng DOH na base sa kasalukuyang datos na hawak nila, hindi pa kinakailangan magpatupad ng lockdown. Wala rin silang plano na ipatupad ang sapilitang paggamit ng face mask o face shield sa ngayon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo