Nadia Montenegro tumanggi sa bintang na gumagamit ng Marijuana sa senado

0
525

MAYNILA. Itinanggi ng dating aktres na si Nadia Montenegro ang akusasyong gumamit siya ng marijuana sa loob ng Senado matapos siyang pangalanan sa incident report ng Office of the Sergeant-at-Arms.

Ayon sa ulat ni Senate Security Officer Victor Patelo, dalawang beses naitala ang kakaibang amoy mula sa ladies’ comfort room malapit sa opisina ng mga senador, una noong ikalawang linggo ng Hulyo at muli noong Agosto 12. Sa huling insidente, isang staff ni Sen. Ping Lacson ang nagsabing nakalanghap siya ng amoy na tinukoy niyang marijuana, at si Montenegro umano ang tanging tao sa lugar.

Sinabi ni Patelo na hiniling ng naturang staff na “pasimpleng” tanungin si Montenegro. Sa ulat, idinetalye niyang nilapitan niya ang dating aktres ngunit hindi siya makaalis sa kaniyang post dahil siya lamang ang naka-duty noon.

Mariing itinanggi ni Montenegro ang paggamit ng marijuana at iginiit na vape sa kaniyang bag ang posibleng pinagmulan ng amoy. Binigyan siya ng limang araw upang magpaliwanag at kalaunan ay nag-file ng leave of absence.

Ayon sa tanggapan ni Sen. Robin Padilla, iniimbestigahan na rin nila ang insidente dahil kabilang si Montenegro sa kanilang staff.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.