Nagbabala ang DSWD sa publiko vs. telephone scam sa ‘unclaimed’ COVID-19 aid

0
232

Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na maging higit na mapagmatyag at huwag i-entertain ang mga tawag ng isang nagpapanggap na empleyado ng kanilang tanggapan.

Isang ulat mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng nabanggit na departamento na may gumagamit ng pangalan ng DSWD sa isang tawag sa telepono upang makuha ang mahahalagang impormasyon ng biktima, partikular ang bank account number, kapalit ng pagpapalabas ng di umano’y hindi na-claim na COVID-19 cash aid. 

Kaugnay ng insidenteng ito, pinaalalahanan ng DSWD ang publiko na iwasang magbigay ng kanilang sensitibong personal na impormasyon sa hindi kilalang indibidwal sa pamamagitan ng tawag sa telepono o mobile call. Binigyang-diin ng Kagawaran na hindi hinhingi ang mga naturang impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.

Samantala, sinabi ng DSWD na, sa kasalukuyan, ang mga serbisyong pinansyal at iba pang nauugnay sa COVID-19 ay pinalawig sa pamamagitan ng Crisis Intervention Unit (CIU) ng Kagawaran na matatagpuan sa Central Office at sa lahat ng DSWD Field Offices sa buong bansa. Ang mga kliyente ng CIU ay sumasailalim sa isang pagtatasa upang mapakinabangan ang kinakailangang tulong.

Gayundin, pinaalalahanan ng Kagawaran ang publiko na sumangguni lamang, magtanong at magpadala ng mga alalahanin sa opisyal na Facebook Page ng DSWD, https://www.facebook.com/ dswdserves o @dswdserves, na mayroong mahigit 1.1 milyong tagasunod, hinggil sa iba’t ibang serbisyo at programa ng Kagawaran.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo