Nagbabala ang PDEA laban sa “Peyote” cactus na naglalaman ng mapanganib na hallucinogen

0
251

MAYNILA — Naglabas ng matinding babala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko kaugnay ng paglaganap at umano’y online na bentahan ng tinatawag na “Peyote,” isang uri ng cactus na naglalaman ng mescaline, isang malakas na hallucinogenic substance na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, ang Peyote, na may scientific name na Lophophora williamsii, ay kabilang sa mga cactus na natural na tumutubo sa mga disyertong sa hilagang Mexico at timog-kanlurang Estados Unidos. Kilala ito sa maliit at bilugang anyo, kulay bluish-green, at walang tinik, na madalas napagkakamalang ornamental plant.

Ngunit iginiit ng PDEA na ang naturang halaman ay naglalaman ng mescaline, isang psychoactive compound na maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan at pag-iisip ng gumagamit.

“Users may experience intense nausea, vomiting, dilation of pupils, headaches, muscle weakness and loss of motor coordination,” ani Nerez.

Batay sa datos ng mga internasyonal na pag-aaral at drug enforcement agencies, ang mescaline ay nakaaapekto sa central nervous system at nagdudulot ng matitinding guni-guni, ilusyon, at pagbabago sa persepsyon ng espasyo at oras. Ang mga epektong ito ay maaaring tumagal ng 6 hanggang 12 oras, depende sa dami at paraan ng paggamit.

Maaaring kainin ang Peyote nang sariwa o tuyo, gilingin at ilagay sa kapsula, o ihalo sa sigarilyo kasama ng cannabis o tabako. Sa ilang kaso, ginagawa rin itong tsaa o inumin matapos pakuluan ang pinatuyong bahagi ng cactus.

“When abused, mescaline can cause varying degrees of illusions, hallucinations, a distorted sense of body, and altered perception of space and time, effects that can lead to accidents, self-harm, and unpredictable behavior,” paliwanag pa ni Nerez.

Sa Pilipinas, ang mescaline ay itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ipinagbabawal ang pagtatanim, pag-iingat, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng Peyote o anumang produktong naglalaman ng mescaline.

Saklaw din ito ng 1971 United Nations Convention on Psychotropic Substances, na nag-uutos sa mga kasaping bansa na kontrolin at supilin ang produksyon at kalakalan ng naturang sangkap.

Sa ilang katutubong komunidad sa North America, ang Peyote ay tradisyunal na ginagamit sa mga ritwal na panrelihiyon at espiritwal. Gayunman, binigyang-diin ng PDEA na walang ganitong legal na konteksto sa Pilipinas at ang anumang anyo ng bentahan o paggamit nito ay labag sa batas.

“The public must understand that ‘Peyote’ is not an ornamental plant but a source of dangerous drugs… We urge the public to immediately report any sightings or suspected sale of this deadly plant in their localities,” dagdag ni Nerez.

Hinikayat ng ahensya ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng PDEA o sa mga lokal na awtoridad upang i-report ang sinumang sangkot sa ilegal na pagbebenta o pamamahagi ng Peyote, lalo na sa mga online platform.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.