Naghahanda na ang mga guro sa Nagcarlan sa pagbabalik ng face-to-face classes

0
568

Nagcarlan, Laguna. Naghahanda na para sa face-to-face classes ang mga guro sa 27 paaralan sa bayang ito partikular sa Brgy. Sta. Lucia Elementary School, sang ayon sa ipinag uutos ng Department of Education (DepEd) na maghanda na para sa pagbabalik ng F2F classes.

Ayon kay DepED District Supervisor Dr. Gregoria Gutierrez inatasan niya ang bawat punong guro na mag-ayos sa kanilang mga paaralan sa napipintong tradisyunal na pag-aaral na gaya ng kinagawian.

Sa kabila nito, umaasa si Dr. Gutierrez na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mamamayan ng Nagcarlan sa pagsunod sa mga safety health protocols at kung ang lahat ay magpapabakuna, aniya ay muling mararanasan ng mga estudyante ang face-to-face classes.

Kaugnay nito, hinihikayat ng DepEd ang lahat ng public school sa bansa na magsagawa ng self-assessment gamit ang School Safety Assessment Tool  bilang paghahanda sa pagpapalawak ng pilot test ng face-to-face classes na sisimulan ngayon, Nobyembre 15,2021.

Opisyal ng inilabas ng field operations ng DepEd ang listahan ng 100 public schools na lalahok sa pilot face-to-face test run mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa, ayon kay DepEd–Planning Service Director Roger B. Masapol

Nagpahiwatig ng suporta sa DepEd ang United States Agency for International Development, GIZ fit for school, United Nations Children’s Fund, Sustaining Education Reform Gains project (Australian Embassy), United Laboratories, Inc. (UNILAB), Save the Children, Aboitez, Procter and Gamble, PBED, Aral Pilipinas, UP NISMED, UPOU, Unang Hakbang Foundation Inc,  World Bank at World Vision sa naka iskedyul na pagpapatupad ng ligtas na pilot run ng face-to-face classes, ayon pa rin sa report.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.