Naghain ang Ombudsman ng kasong malversation, graft laban Kay Bong Revilla at 6 na iba pa

0
621

MAYNILA — Naghain ang Office of the Ombudsman nitong Biyernes ng kasong malversation through falsification of documents at graft laban sa dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, at iba pang limang opisyal kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Purok 5, Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan.

“Ang Ombudsman ay ipagpapatuloy ang mga kasong ito nang matatag, independyente, at walang kinikilingan,” ani Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang press conference matapos ihain ang mga kaso sa Sandiganbayan anti-graft court.

Ayon sa inilabas na impormasyon, nagkasundo ang mga nasasakdal na padaliin ang pagpapalabas ng humigit-kumulang P76 milyon para sa proyekto na base sa opisyal na inspeksyon at testimonya ng mga saksi, ay hindi kailanman naisakatuparan.

Kasama sa listahan ng mga kinasuhan sina:

  • Engr. Jaypee Mendoza
  • Engr. Arjay Domasig
  • Engr. Emelita Juat
  • Juanito Mendoza, finance section chief ng DPWH Bulacan First District Engineering Office
  • Christina Pineda, cashier ng DPWH Bulacan First District Engineering Office

“Sa kabila ng kawalan ng aktwal na konstruksyon, idineklarang natapos ang proyekto ng mga nasasakdal. Upang padaliin ang pagpapalabas ng kabuuang halaga ng proyekto, pinalabas ng mga nasasakdal ang pekeng accomplishment reports, nag-isyu ng fraudulent billing documents, at nag-endorso ng disbursement vouchers,” dagdag pa ni Clavano.

Ayon sa Assistant Ombudsman, ang P92.8-milyong proyekto ay na-award sa kontratista noong Marso 28, 2025.

Dahil sa paghahain ng kaso laban kay Revilla at sa anim pang iba, naghain din ang Ombudsman prosecutors ng urgent motion para sa special raffle ng mga kasong ito, na magsasaayos kung aling dibisyon ng Sandiganbayan ang hahawak sa mga kaso. Kasama rin sa motion ang kahilingan na agad maglabas ng warrant for arrest at hold departure order laban sa lahat ng pitong akusado.

“Ang Office of the Ombudsman ay nananatiling matatag sa pagpapatupad ng pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang paghahain ng kasong ito ay malinaw na mensahe: ang sinumang mang-abuso sa public funds ay pananagutin ayon sa batas,” ani Clavano.

Ito na ang pangalawang batch ng flood control-related criminal cases na inihain ng Ombudsman prosecutors laban sa mga public officials sa Sandiganbayan. Ayon sa batas, ang mga kaso laban sa public officials na nasa Salary Grade 27 pataas ay inihahain sa Sandiganbayan; si Revilla, bilang senador noon, ay nasa Salary Grade 31.

Noong Disyembre 2025, naghain ang Ombudsman prosecutors ng malversation at graft charges laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at 16 iba pa kaugnay ng P289-milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo