Naghihintay ang LTFRB sa Comelec reso sa fuel subsidy exemption

0
331

Hindi pa natatanggap ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang opisyal na kopya ng resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapahintulot sa pagpapatuloy ng fuel subsidy program.

Sa mensahe sa Viber para sa mga mamamahayag kahapon, sinabi ni LTFRB Executive Director Maria “Tina” Cassion na “panalo” ang desisyon ng Comelec para sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUV) sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang bilihin.

“Since wala pang official copy ng decision, hindi rin namin alam po kung ano ‘yung mga sinasabi na conditions. So, we have to first receive the decision for us to be able to respond accordingly,” ayon kay Cassion.

Nagpahayag ng pasasalamat si Cassion sa Comelec para sa “paborableng desisyon.”  Ang isang advanced na kopya ng resolusyon ay maaaring ilabas maaga sa susunod na linggo, ayon sa kanya.

Ipinahayag naman ni Comelec Commissioner George Garcia kahapon na ang fuel subsidy program ng LTFRB na pansamantalang itinigil noong Marso 25 ay exempted sa cash disbursement ban sa panahon ng halalan.

Gayon pa man, binanggit niya na kailangang hintayin ng LTFRB na ilabas ng Comelec ang resolusyon dahil naglalaman ito ng mga kondisyon na kailangang sundin ng LTFRB.

Ang anunsyo, aniya, ay ginawa upang bigyan ng panahon ang LTFRB na magplano kung paano “ipapatupad nang maayos” ang programa at ihanda ang listahan ng mga benepisyaryo nito.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo