Nagluluksa ang PH sa pagpanaw ng National Artist na si F. Sionil Jose

0
655

Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang kahapon sa pamilya ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si F. Sionil Jose na pumanaw sa edad na 97.

“Sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng sambayanang Pilipino, nakikiramay po kami sa pagpanaw kagabi ni F. Sionil Jose, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan,” ayon kay acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa isang Palace briefing.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Nograles sa mga kontribusyon ni Jose sa panitikan ng Pilipinas.

“Hindi lamang isang alamat na manunulat at storyteller, si F. Sionil Jose ay isang tunay na makabayang Pilipino,” ayon sa kanya.

Ang National Press Club of the Philippines ay nagpaabot din ng pakikiramay sa pagpanaw  Jose. “The National Press Club joins the nation in grieving over the passing of National Artist, F. Sionil Jose,” ayon sa Facebook post ng NPCP.

Inilarawan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang mga panulat ni Jose mula noong huling bahagi ng dekada ’60 bilang “epiko”.

“Its sheer volume puts him on the forefront of Philippine writing in English. But ultimately, it is the consistent espousal of the aspirations of the Filipino – for national sovereignty and social justice – that guarantees the value of his oeuvre,” ayon sa NCCA sa isang statement na naka post sa official Facebook page nito.

Binigyang-diin ng komisyon na ang kanyang limang-nobelang obra maestra, ang Rosales saga, ay nakakuha ng “sweep of Philippine history while simultaneously narrating the lives of generations of the Samsons whose personal lives intertwine with the social struggles of the nation.”

Ayon sa NCCA, si Jose ay isa ring publisher, lecturer sa mga isyung pangkultura, at tagapagtatag ng Philippine chapter ng international organization na PEN.

Kabilang sa mga parangal na iginawad kay Jose ang CCP Centennial Honors for the Arts noong 1999; ang Outstanding Fulbrighters Award para sa Literatura noong 1998; at ang Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts noong 1980.

Pinangalanan ng gobyerno ng Pilipinas si Jose bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2001.

Namatay si Jose noong Huwebes ng gabi sa Makati Medical Center kung saan dapat sumailalim siya sa isang angioplasty.

Photo credits: Binalonan, Pangasinan Facebook page
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.