Lumbo Spring Project, mariing tinututulan ng mayoryang magsasaka sa Tiaong, Quezon
Tiaong, Quezon. Nagpiket ang mahigit na 300 magsasaka at residente sa harap ng munisipyo ng bayang ito upang tutulan ang Lumbo Spring project.
Tinuligsa ng mga magsasaka ang proyekto at ayon sa mga placard na bitbit nila, “ang Lumbo Spring ang aming buhay at ito ay aming pag aari,” sa isinagawang kolektibong pagtututol na ipinahayag nila noong Miyerkules, Nobyembre 3.
Ang Lumbo Spring ay matatagpuan sa timog ng San Pablo City at kanluran ng Dolores, Quezon,
Matatandaan na noong nakaraang Nobyembre 2020, ang San Pablo City Water District (SPCWD) at Dolores Water District (DWD) ay pumirma at naglabas ng Notice of Award para sa Php 103M proyektong Lumbo Spring Bulk Water Supply project sa isang consortium na pinangungunahan ng Udenna Water Integrated, Inc. na nasa ilalim ng public-private partnership scheme, ayon sa ulat.
Ang Udenna Consortium, ayon pa rin sa report ay pinangungunahan ng isang negosyanteng taga Davao na nagngangalang Dennis Uy na nabigyan ng kontrata upang magtatag ng isang pasilidad na kukuha ng 12 milyong litro ng tubig araw araw mula sa Lumbo Spring na itutustos sa pangangailangan ng mga concessionaire ng SPCWD sa San Pablo City.
“Patuloy naming tinututulan ang proyektong ito sapagkat ang tubig na ito ang aming buhay at ito ay pag aari namin. Nananawagan kami sa mga tao sa likod ng proyektong ito. Kung ipagpapatuloy nila ito ay lubhang malaki ang magiging epekto nito sa amin. Maraming maghihirap dahil dito at kapag nagutom ang mga tao dito ay mapipilitan silang pumasok sa mga ilegal na gawain” ayon kay Joe Barcelona, pangulo ng Tiaong Irrigators.
Idinagdag pa ni Barcelona na ang pangunahing pinagkukunan nila ng tubig na dumadaloy sa mga sapa papunta sa 16 na barangay ay ang Bulaknin River na kumukuha ng tubig sa Lumbo Spring. Ang mga ilog na ito, ayon sa kanya ay nagsasanib sa Lagnas River at Malaking Ilog River na naghahatid ng serbisyong patubig sa mga lupang sakahan sa nabanggit na bayan.
Samantala, sinabi naman ni Tiaong Municipal Mayor Ramon Preza na nakikiisa siya sa sentimyento ng kanyang mamamayan at aniya ay patuloy niyang tutulan ang nabanggit na proyekto lalo na kung ito ay makakaapekto sa buhay ng kanyang mga kababayan.
Sa bahagi naman ng National Irrigation Administration (NIA) sa Region 4A, sinabi nilang ang Lumbo Spring ay isang protected watershed area batay sa House Bill 8430 na iniakda ni Quezon 2nd District Representative David Suarez.
Sinabi ni Sofia Carmelita Resurrecion, NIA Supervising Institutional Development Officer na tutulong sila sa pagpapatupad ng nabanggit na House Bill sa lalong madaling panahon.
Batay sa kalilimbag pa lamang na mga report ng NIA, sinabi nito na ang nabanggit na proyekto ay magsasanhi ng malubhang kakulangan sa tubig na nakalaan para sa irrigation system ng lalawigan ng Quezon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang ipinalalabas na pahayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa nabanggit na usapin.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.