Nagsagawa ng testimonial parade ang PMA para kay outgoing PNP chief Azurin

0
267

Nagdaos ng testimonial parade ang Philippine Military Academy (PMA) para kay outgoing Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kahapon, Abril 23.

Si Azurin ay nakatakdang magretiro ngayong araw, Abril 24. Ang testimonial parade na ginanap sa PMA sa Baguio City ay bilang parangal sa halos apat na dekadang serbisyo nito sa PNP.

Miyembro siya ng PMA “Makatao” Class of 1989.

Nauna sa kanyang pagreretiro, pinayuhan ni Azurin ang susunod sa kanyang pwesto

“not to be afraid of who gets caught and who gets hurt.”

Sinabi rin nito na dapat ay maging maingat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili ng susunod na magiging lider ng PNP.

Samantala, umapela rin siya sa anim na suspek ng mga nawawalang sabungero na sumuko na sa mga awtoridad.

“Maganda yun kung magsurrender sila or maiturn-in agad sila or mahuli agad sila. Sana nga magcooperate din sila. Matagal na ito. I hope with the designation of a new chief PNP unti-unti magclear itong mga pending cases na naiwan, at iiwanan ko,” ayon kay Azurin.

Matatandaan na noong Pebrero ay naglabas ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group ng poster ng anim na suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena noong nakaraang taon.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Julie Patidongan or Dondon; Mark Carlo Zabala; Roberto Matillano Jr.; Johnry Consolacio; Virgilio Bayog; at Gleer Codilla o Gler Cudilla. 

P1 milyon na pabuya ang iniaalok ng pulisya sa bawat pagkakaaresto sa suspek.

Naglabas na ng warrant of arrest laban sa anim na suspek para sa kidnapping at serious illegal detention.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.