Nagsampa na ng kasong murder ang QCPD laban sa Ateneo shooter

0
278

Nagsampa na ng kasong murder at frustrated murder ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa doktor na sangkot sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City na ikinamatay ng tatlong tao at ikinasugat ng dalawa pa noong Linggo, ayon sa Philippine National Police kanina.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang naarestong suspek na si Chao-Tiao Yumol, isang doktor, ay nakakulong ngayon sa Camp Karingal at nahaharap sa mga reklamo para sa tatlong bilang ng murder at frustrated murder kaugnay ng Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016), at malicious mischief na nagkakahalaga ng PHP80,000 sa harap ng Quezon City Prosecutors Office.

Sinabi ni Fajardo na inihain ng QCPD ang reklamo noong Lunes ng gabi.

“This case is considered solved already because the suspect has been apprehended and appropriate criminal cases have been filed before the Prosecutor’s Office,” ayon kay Fajardo.

Napatay sa insidente si dating Lamitan City, Basilan Mayor Rosita Furigay, ang kanyang executive assistant na si Victor George Capistrano, at ang campus security guard na si Jeneven Bandiala, na nagsybok na pumigil sa suspek.

Nauna dito, sinabi ni QCPD director Brig. Gen. Remus Medina na si Yumol, 38, ay may personal na sama ng loob sa pinaslang na si Furigay.

Sinabi ni Medina na ang mga Furigay ay nagsampa ng 76 cyber libel cases laban kay Yumol.

Idinagdag niya na ipinasara ng Lamitan LGU ang klinika ni Yumol at isa raw iyon sa mga motibasyon niya sa isinagawang krimen.

Samantala, nanawagan naman ang  League of Provinces of the Philippines ng masusing pagsisiyasat upang matiyak na “ihaharap sa hustisya” si Yumol.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.