Nagsumbong sa NBI ang halos 100 na biktima ng pekeng Taylor Swift tickets

0
256

Sumampa na sa halos isang daang tao ang bilang ng nabiktima ng isang scammer na nagbebenta ng mga tiket para sa concert ni Taylor Swift at lumapit sa tanggapan ng National Bureau of Investigation- Cybercrime Division para humingi ng tulong.

Batay sa ulat, karamihan sa mga biktima ay naghanap ng mga tiket sa online platforms matapos na ma-sold out noong Hulyo 2023 ang mga ito. Isa sa mga nabiktima ay inirekomenda ng isang kaibigan sa isang lalaking may diumano ay may kapasidad sa online access para sa “ERAs tour” ni Taylor Swift sa Singapore sa darating na Marso.

Sa pamamagitan ng online banking, nagpadala ang biktima ng halagang P65,000 sa naturang lalaki, na nagpakita umano ng mga patunay ng mga transaksyon sa iba’t ibang tao. Inaasahang makakatanggap ang biktima ng tiket dalawang linggo bago ang araw ng concert, subalit sa huli, hindi na ma-contact ang lalaki.

Nagpahayag din ng saloobin ang complainant na marami rin sa social media ang nagrereklamo tungkol sa pagkakasangkot sa scam ng naturang ticket seller.

Kabilang din sa mga nabiktima ang ilang kilalang personalidad tulad ng Sparkle artist na si Sofia Pablo, na nag-post sa kanyang social media account na “I’m one of the 100 victims,” matapos na magbayad sa lalaking ito nang wala siyang napala.

Nagbigay naman ng payo ang NBI, at inaabisuhan ang mga mamamayan na bumili lamang ng mga tiket mula sa lehitimong ticket sales offices.

Ayon kay Atty. Raymond Panotes, ang Ex-O ng NBI Cybercrime Division, kailangan maging maingat ang publiko at huwag basta-basta magtiwala sa sinumang nag-o-offer ng mga tiket kahit pa mayroon silang mga ID o identification card na ipinapakita.

Bilang karagdagan sa ulat, hindi lang sa Pilipinas nangyayari ang mga kaso ng ticket scam para sa konsiyerto ni Taylor Swift, sapagkat maging sa online marketplace sa Singapore na Carousell ay tinanggal na ang lahat ng live listings ng mga tiket ni Taylor Swift dahil sa mga insidente ng scam.

Author profile
Paraluman P. Funtanilla
Contributing Editor

Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor.  She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.