MAYNILA — Magsisimula na sa Disyembre ang paggamit ng biometric immigration e-gates sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa pahayag ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) nitong Sabado, Nobyembre 22.
Ayon sa kalatas ng NNIC, bahagi ng planong activation ang hakbang upang mapabilis at mapabuti ang proseso para sa mga pasahero sa paliparan.
Ang e-gates ay ipapagana ng global travel-technology provider na Amadeus, at pangangasiwaan ng Bureau of Immigration (BI). Kasama rin sa sistema ang automated border-control technology gamit ang passport scanning at facial recognition, na layong bawasan ang oras ng paghihintay at mapabuti ang throughput o dami ng datos na dumadaan sa sistema.
Ilalagay ang mga e-gate sa Terminals 1 at 3 ng NAIA, kung saan obligado ang immigration checks. Nakatakda ang unang phase ng operasyon sa Disyembre, habang inaasahang matatapos ang full deployment sa unang bahagi ng 2026.
Pinagsasama ng proyekto ang pondo ng NNIC at operational components na ibibigay ng BI. Kapag gumana na ang sistema, isasama rin ito sa biometric passenger touchpoints na ipinatupad ng NNIC sa check-in, security screening, at boarding.
“Our goal is to make each part of the airport experience more comfortable for passengers,” ayon kay NNIC president Ramon Ang. “These eGates will help reduce bottlenecks at immigration and support the broader improvements we have been introducing across NAIA,” dagdag niya.
Noong nakaraang taon, nakaproseso ang NAIA ng mahigit 50 milyong pasahero, lagpas sa orihinal nitong design capacity.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





