MAYNILA — Itataas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert sa mga pagamutan sa Metro Manila at mga karatig-lugar bilang paghahanda sa idaraos na Traslacion 2026 sa Biyernes, Enero 9.
Ayon kay Health Assistant Secretary at DOH Spokesperson Dr. Albert Domingo, layon ng naturang alerto na matiyak ang kahandaan ng mga ospital na pinatatakbo ng ahensya sa anumang uri ng emerhensiyang maaaring mangyari sa kasagsagan ng tradisyunal na prusisyon para sa pista ng Poong Nazareno.
Magpapakalat ang DOH ng humigit-kumulang 200 miyembro ng health emergency response teams na ide-deploy sa iba’t ibang bahagi ng ruta ng Traslacion sa oras ng pinakamasidhing aktibidad. Nilinaw ni Domingo na maaari pang madagdagan ang bilang ng mga health responder depende sa magiging pangangailangan sa araw ng prusisyon.
Mahigpit ding pinaalalahanan ng DOH ang mga debotong may karamdaman sa puso at paghinga, mga buntis, matatanda, at mga bata na iwasan ang pakikilahok sa Traslacion upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan.
Pinayuhan naman ang mga debotong lalahok sa prusisyon na magdala ng mga identification card, sapat na tubig, at maintenance medication, gayundin ang pagsusuot ng maluluwag at komportableng kasuotan.
Inirekomenda rin ni Domingo ang pagsusuot ng face mask at pagdadala ng alcohol at hand sanitizer bilang proteksyon laban sa posibleng pagkalat ng sakit. Dagdag pa niya, mas mainam na iwasan ang pagdadala ng mahahalagang gamit na maaaring mawala sa gitna ng siksikan sa prusisyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





