Nakatakas na NBI inmate nadakma sa Cavite

0
358

IMUS CITY, Cavite. Naaresto ang isang 23-anyos na lalaki na tumakas mula sa kulungan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila habang naglalakad at nakaposas sa Brgy. Malagasang, Imus City, Cavite.

Kinilala ang suspek na si Mark Anthony Clemente, isang delivery rider at residente ng San Antonio Street, Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang 11:30 ng umaga ng kamakalawa, napansin ng ilang opisyal ng barangay ang suspek na naglalakad na may posas sa kamay. Agad nilang nilapitan ang suspek at dinala ito sa barangay hall upang imbestigahan. Kasabay nito ay tinawagan ang Imus Police na agad dumating sa lugar.

Sa kanilang pagsisiyasat, inamin ng suspek na siya ay tumakas mula sa kustodiya ng NBI. Ayon naman sa patotoo ni National Bureau of Investigation Senior Inspector Edwin T. Roxas ng NBI-IOD/Interpol, Quezon City, Metro Manila, may kasong syndicated estafa (Artikulo 315 in relation to PD 1689) ang suspek at dinakip sa bisa ng warrant of arrest.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.