Nakatakas na preso sa Cavite, napatay sa Laguna

0
525

Sta. Cruz, Laguna. Patay ang isang preso ng Cavite sa isang pakikipag engkwentro sa mga pulis sa bayang ito noong Lunes.

Ayon kay Col. Cecilio Ison Jr., direktor ng Laguna Police Provincial Office, ang tumakas na kinilalang si Jeffrey Ochoa ay nasakote ng binuong tracking team ng pulisya sa Sitio Bougainvillea, Brgy. Bubukal, Santa Cruz, Laguna.

Sa halip na sumuko ay bumunot ng baril ang pugante at pinutukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek. Dinala ito sa Laguna Medical Center Hospital subalit idineklarang dead on arrival.

Bago ang naganap na shootout, ang suspek na nahaharap sa kasong qualified theft ay nakatakas sa kanyang guwardya na si John Michael Ferrera nang hambalusin nito ng matigas na bagay sa mukha habang sakay ng isang Toyota Vios sa kahabaan ng  Governors Drive, Barangay Aliang, Trece Martires City, Cavite noong Lunes ng gabi.

Bumaba ito ng sasakyan at hinarang ang isang motorsiklo na ginamit nito sa pagtakas patungo sa direksyon ng Gen. Trias City.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.