MAYNILA — Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na nakausap na ni dating Department of Public Works and Highways undersecretary Catalina Cabral ang hindi bababa sa limang Ombudsman prosecutors bago ang kanyang biglaang pagkamatay, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Biyernes.
Sinabi ni Clavano na sa kabila ng pagkamatay ni Cabral, nananatiling ligtas at nakatitiyak ang pamahalaan sa mga ebidensyang nakuha mula sa kanya, pati na ang mga dokumento at impormasyong posibleng nasa dating opisyal pa.
“To preserve the integrity of our investigation, including our leads, I cannot give names or specifics pero ‘yung kausap po niya (Cabral) doon ay mga investigators from the different fact-finding bodies that are assigned to the different cases,” pahayag ni Clavano sa isang press conference.
“Marami po yan. I believe there were at least five prosecutors that she was talking to, asking [her] about different cases where she was involved,” dagdag niya.
Kinumpirma naman ng Benguet police nitong Biyernes ang pagkamatay ni Cabral matapos umano itong mahulog. Natagpuan siyang “unconscious and unresponsive” may 20 hanggang 30 metro mula sa ibaba ng highway, ilang oras matapos niyang sabihan ang kanyang driver na iwan siya sa isang bahagi ng Kennon Road.
Ayon kay Clavano, ang mahabang panunungkulan ni Cabral sa gobyerno, mula sa mababang posisyon hanggang sa pagiging mataas na opisyal, ang nagbigay sa kanya ng malalim na kaalaman sa mga proseso ng pamahalaan, dahilan upang maging mahalaga ang kanyang papel sa mga iniimbestigahang isyu sa flood control projects.
“Sa kanya kasi ‘yung sistema eh dahil napakataas siyang opisyal ng DPWH. A lot of the cases [we are dealing with] ngayon, meron talaga siyang kinalaman dahil siya ang nag-insert, siya ang naglagay sa NEP. ‘Yun po ‘yung mga allegations na laban sa kanya,” sinabi ni Clavano, patungkol sa National Expenditure Program.
Nauna nang iginiit ni Senador Panfilo Lacson na tumawag umano si Cabral kay Senate President Tito Sotto upang humingi ng rekomendasyon para sa mga insertions sa panukalang budget o NEP habang binubuo pa lamang ng DPWH ang kanilang panukala.
Ayon kay Clavano, ang naturang pakikipag-ugnayan ni Cabral kay Sotto bago isumite ang budget sa Kongreso ay indikasyon na may kaugnayan siya sa sinasabing flood control mess.
“That (call to Sotto) is already indicative of the system that she was a part of,” ani Clavano.
Nang tanungin kung may nakita nang criminal liability laban kay Cabral, diretsong sagot ni Clavano, “Definitely. Meron talaga siya. So it was just a matter of time before we were able to file those cases.”
“Kaya kinakausap na din siya so that we could see what information she also had,” dagdag niya.
Itinanggi rin ni Clavano ang paratang na ang biglaang pagkamatay ni Cabral ay resulta ng mabagal na imbestigasyon at pag-usad ng mga kaso kaugnay ng paglustay ng pondo para sa flood control projects.
“I beg to differ from the assumption that the investigation is slow. Now, if you’re going to ask me whether this is the fastest that we can go, not yet. We are still doing our best to make things move even faster. But a lot has happened already from the start of this investigation. I’d like to note that we’ve only been here for two months and we have already filed two cases,” aniya.
Kabilang sa mga kasong naisampa ang malversation at graft charges laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at 16 pang indibidwal sa Sandiganabayan kaugnay ng P289 milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro, at ang malversation at graft charges laban sa contractor na si Sarah Discaya at iba pa sa Digos City, Davao del Sur Regional Trial Court kaugnay ng P96.5 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
“We first picked the low hanging fruits. We’d rather do that than wait for the big cases and nothing gets filed right away. We attacked the low-hanging fruits, but that does not mean that we are not investigating other allegations,” paliwanag ni Clavano.
Dagdag pa niya, hindi agad-agad nabubuo ang matitibay na kaso laban sa mga indibidwal na kumikilos sa likod ng mga proyekto.
“There is just much more difficulty when it comes to the proponents because the nature of the evidence changes. Aside from documents, we are looking for CCTV, screenshot of messages, call logs, because the proponents hide their tracks. So I actually would like to return the question to everybody who is saying that. If you were in this position, would you have done anything different? Because this investigation is moving as fast as we can. And we are confident that when we do file cases, they will be strong cases,” pagtatapos ni Clavano.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






