Nalambat ang wanted sa kasong murder na limang taon ng nagtatago

0
209

TAGAYTAY CITY. Huling nahuli ang isang wanted na suspek sa kasong murder matapos ang halos limang taon ng pagtatago sa batas.

Ang pag aresto ay naganap sa isinagawang manhunt operation ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena section ng Tagaytay City police station noong Martes ng umaga sa Brgy. Kaybagal, South Tagaytay City, Cavite.

Ayon sa pahayag ni Police BGeneral Carlito Gaces, ang direktor ng Police Regional Office Calabarzon, kinilala ang suspek na si Makatangay Manalo, 44 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Tartaria, Silang Cavite.

Sinabi ni Police Colonel Christopher Olazo, ang direktor ng Cavite Provincial Police Office, na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad si Manalo matapos siyang masangkot sa kasong murder limang taon na ang nakalipas.

Maliban sa kasong murder na tinakasan niya, mayroon pa umanong iba pang mga kasong iniimbestigahan ang pulisya laban kay Manalo.

Ang pagkahuli sa suspek ayon naman kay Police LtCol. Charles Capagcuan, hepe ng Tagaytay City Police Station ay naganap dahil sa isang warrant of arrest na inisyu ng tanggapan ng Regional Trial Court branch 107 ng Los Banos, Laguna. Sa naturang warrant, hindi inirekomenda ng korte na makapag piyansa si  Manalo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tagaytay City police station si Manalo upang isailalim sa proseso ng dokumentasyon at disposisyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.