Nangako ang mayor ng Pasig na paiigtingin niya ang kampanya laban sa corruption

0
301

Nangako si Pasig Mayor Vico Sotto na ipagpatuloy niya ang pag-aalis ng korapsyon at pag-institutionalize ng good governance sa kanyang ikalawang termino.

Binigyan-diin ni Sotto ang kanyang pangako matapos arestuhin ang isang empleyado ng City Hall at ang isa pa nitong kasama hinggil sa kasong robbery-extortion.

“In the last three years, we have started to denormalize corruption and institutionalize good governance in our local government. A tiring and mostly thankless job, but we guarantee that in the next three years, we will push even harder and do even better,” ayon sa post ni Sotto sa Twitter noong Biyernes ng hapon.

Ayon sa ulat ng pulisya, nahuli ang mga suspek sa isang entrapment operation habang tumatanggap ng PHP600,000 na suhol sa loob ng isang fast-food chain sa kahabaan ng Caruncho Avenue sa Barangay Malinao noong Biyernes.

Sasampahan sila ng kasong robbery, extortion, at paglabag sa Republic Act Nos. 9485 (Anti-Red Tape Act) at 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-apply ng permit sa Office of the Building Official ang complainant ngunit kulang ang ilang dokumento.

Nagpakilala ang isa sa mga suspek bilang empleyado ng Business Permits and Licensing Office ng lungsod at nag-alok ng mabilis na pagproseso ng kanyang aplikasyon para sa building at occupancy permit at electrical installation, bukod sa iba pa, kapalit ng PHP600,000.

Narekober ng mga pulis ang isang bundle ng pera na nagkakahalaga ng PHP500,000, 499 piraso ng PHP1,000 boodle money at isang pirasong marked money at isang mobile phone.

NAHULI SA AKTO. Isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Pasig City na hinihinalang nangingikil ang inaresto habang tumatanggap ng suhol sa isang fast-food chain sa Barangay Malinao noong Biyernes (Hulyo 1, 2022). Siya at ang kanyang kasamahan ay nag-alok sa nagrereklamo ng mabilis na pagproseso ng mga dokumento kapalit ng PHP600,000, ayon sa ulat ng pulisya. (Larawan sa kagandahang-loob ng Vico Sotto Twitter)
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.