Nanghuli ng pusang gubat: Tatay patay sa kuryente, anak sugatan

0
183

MULANAY, Quezon. Namatay ang isang 38-anyos na magsasaka samantalang grabeng nasugatan ang 14-na-taong-gulang nitong anak na dalagita makaraan silang makuryente habang hinahabol ang isang “wild cat” o pusang gubat sa Sitio Baog, Brgy. Ilayang Yuni, sa bayang ito sa Quezon, noong Martes ng umaga.

Sa ulat na isinumite ni Police Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay Municipal Police Station, kay Police Brigadier General Carlito Gaces, direktor ng Police Regional Office Calabarzon, kinilala ang mga biktima na sina Mario Sabalboro at ang kanyang grade 8 na anak na si Marian.

Ayon sa pahayag ni Major Comia, ang mag-ama na residente ng Sitio Cambangli, Brgy. Patabog, ay nagpunta sa Sitio Baog upang gumawa ng uling nang bigla silang makakita ng wild cat.

Iuuwi sana ng mag-ama ang pusa kaya hinabol nila ito hanggang sa makapasok sila sa loob ng isang pribadong bakuran na pag aari ni Jaime Constantino Rey.

Sinundan ni Sabalboro ang pusa hanggang sa loob ng compound ngunit nahawakan niya ang isang kawad na konektado sa isang live wire.

Namatay agad si Sabalboro habang malubhang nasugatan si Marian dahil sinubukan nitong hilahin ang kanyang ama na nakahawak sa live wire.

Dinala ang mag-ama sa Bondoc Peninsula Medical Center subalit ang anak lamang nito ang nakaligtas sa trahedya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.